WALANG katotohanang tumigil ang Bureau of Customs (BOC) sa ipinatrabaho ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa ilegal na droga.
Katunayan, ang pinakabagong nagawa ng BOC tungkol sa numero unong kampanya ng administrasyon ay ang pagkumpiska ng P5.2 milyong halaga ng methamphetamine hydrochloride na higit na kilala sa tawag na shabu, o meth, nitong Hulyo 30.
Ang nakasabat sa shabu ay ang pinagsamang mga elemento ng BOC-Port of Ninoy Aquino International Airport (NAIA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at NAIA-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (NAIA-IADITG).
Nadiskubre ang 763 gramo ng shabu sa tatlong bagaheng ipinadala sa bodega ng DHL.
Sa isinagawang Customs X-ray scanning at physical examination, natuklasan ang 763 gramo ng “white crystalline substance” na nakalagay sa birdhouse, shuttlecock casing at figure trimmer twister twist.
Pagkatapos nito, nakumpirma rin sa chemical analysis ng PDEA na shabu nga ang nasabing mga kemikal na nakumpiska sa bodega ng DHL.
Lumabas sa rekord na ipapadala ng isang “Jackson Anderson” ang nasabing milyun-milyong halaga ng shabu sa Bahrain, United Kingdom at Australia.
Si Anderson ay residente umano ng City Garden Hotel sa Makati City.
Ayon sa BOC, ang posibleng tatanggap ng mga nasabing bagahe ay nakilala sa pangalang “Amy” ng No. 23 Suffolk Avenue, UK.
Ayon sa Customs Administrative Order No. 03-2020, ang mga nasabat na shabu ay ipinadala sa PDEA noong Hulyo 30 upang iproseso ang pagsampa ng kasong kriminal laban sa suspek dahil sa
paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
May kaso rin si Anderson hinggil sa posibleng paglabag sa ilang probisyon ng Republic Act 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) of 2016, partikular ang Seksiyon 401 (Unlawful
Importation and Exportation) nito na may kaugnayan sa Seksiyon 119 (d) ng parehong batas.
Tiniyak ng BOC na sa pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero ay patuloy nitong gagampanan ang umiiral na direktiba ni Duterte laban sa lahat ng klase ng ilegal na droga.
184 