UMABOT sa P50 milyong halaga ng smuggled cigarettes ang winasak ng Bureau of Customs Port of Cagayan de Oro (CDO) nitong Hulyo 28, sampung buwan makalipas ang pagkakakumpiska sa naturang ilegal na mga produkto.
Ang multimilyong halaga ng sigarilyo ay kinabibilangan ng 1,700 master cases na katumbas ng 85,000 reams ng mga sigarilyo na ang mga tatak ay “Two Moon”, “Mighty”, “Marvel” at “Royal”.
Ayon sa BOC-CDO, ipinadala ito sa DENIAN Dry Goods Trading.
Batay sa talaan ng BOC-CDO, dumating sa Mindanao Container Terminal (MCT) sa Tagoloan mula China ang mga kalakal noong Setyembre 18, 2020.
Walang paliwanag ang pamunuan ng BOC-CDO kung bakit nitong Hulyo 28 lang winasak ang mga sigarilyo.
Batay sa ulat, nagkaroon ng “misdeclaration” sa mga produkto dahil sinabing “office furniture” ang laman ng mga Ipinadala sa DENIAN Dry Goods.
Sa isinagawang pagsisiyasat ng customs examiner habang testigo ang mga tauhan ng Customs Intelligence Investigative Service (CIIS) sa CDO at ng Enforcement and Security Service (ESS) sa
CDO, natuklasang naglalaman ng mga sigarilyo ang mga kalakal.
Pinangunahan ni Atty. Elvira Cruz, District X Collector at Officer-in-Charge ng MCT nag pagwasak.
Saksi rito ang iba pang opisyal ng BOC-CDO.
Nahaharap ang consignee sa kasong “misdeclaration of goods description” na nakasaad sa Seksiyon 1400 ng Republic Act 10863, o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Tiniyak ng pamunuan ng BOC-CDO na patuloy nitong gagampanan ang mandato nito laban sa ismagling, alinsunod sa matagal nang direktiba ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
(Joel O. Amongo)
151 