“DRUGS is like a rat in a maze. It aims for a common hole, hoping for a quick relief but it’s actually a trap,” pahayag ni Bicol PNP chief, P/BGen. Jonnel C. Estomo matapos na madakip ng kanyang mga tauhan ang dalawang umano’y illegal drug distributors sa C5 Road, Zone 6, Barangay Mabolo, Naga City.
Ayon sa ulat na nakarating sa tanggapan ni P/BGen. Estomo, PNP-PRO5 director, kinilala ang mga nadakip na sina Hiroji Clarion Tesoro, 39, ng Santiago 3 Street, Brgy. Peñafrancia, Naga City, at Froilan Tud Teves, 41, ng Brgy. Timbang, Manalapan, Camarines Sur.
Ayon kay P/BGen. Estomo matapos ang isinagawang surveillance and intelligence operations ay ikinasa ng PNP-PRO5 Regional Police Drug Enforcement Unit 5 Camarines Sur /Naga Team (lead unit) ang buy-bust operation katuwang ang CDEU/CIU Naga City, Naga City Mobile Force at Naga TEU, sa pangangasiwa ni P/Lt. Col. Jerry Alvarez, chief ng RPDEU5.
Matapos makipag-ugnayan sa PDEA ROV ay ikinasa ang intelligence buy-bust operations sa C5 Road, Brgy. Mabolo, Naga City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang apat na knot-tied transparent plastic sachets na naglalaman ng hinihinalang shabu na may bigat na 1,000 grams na tinatayang P6.8 milyon ang halaga.
Sinasabing si Hiroji Tesorero ang nagsisilbing bodegero ng isang local big time drug group na kumikilos sa Bicolandia area na may direct connection sa main source ng illegal drugs sa metro Manila. (JESSE KABEL)
