NASAMSAM ng pwersa ng Philippine Drug Enforcement Agency – Pangasinan Provincial Office (PDEA-PANG PO), Urdaneta City Police Station, at PNP Drug Enforcement Group – Special Operations Unit 1 (PDEG-SOU 1), ang tinatayang P680,000 halaga ng umano’y shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Urdaneta City, Pangasinan.
Arestado sa nasabing operasyon ang itinuturing na isang high-value target na drug personality na kinilala ni PDEA Regional Director Dir. III Joel B. Plaza na si Jimmy Andres Pablo, 51, residente ng San Manuel, Pangasinan, nadakip bandang alas-1:40 ng madaling araw nitong Martes, Marso 4, 2025.
Nakumpiska sa operasyon ang isang pirasong buhol-buhol na transparent na plastic na may hinihinalang shabu na may timbang na tinatayang 100 gramo, isang improvised shotgun pistol, apat na pirasong bala para sa 12-gauge shotgun, isang mobile phone, isang motorsiklo, iba’t ibang susi, dalawang identification card, isang brown paper bag, isang black body bag, ilang drug paraphernalia, at ang buy-bust money.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, pati na rin sa RA 10591 o An Act Providing for a Comprehensive Law on Firearm and Ammunition and Providing Penalties for Violation Thereof.
Ang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa PDEA Pangasinan Provincial Office jail facility sa Urdaneta City, Pangasinan. (JESSE KABEL RUIZ)
