P6M DROGA KUMPISKADO, PINOY, 2 TAIWANESE DAKIP

boc droga

BULILYASO sa alistong ope­ratiba ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Clark sa Pampanga ang panibagong tangkang pagpuslit ng droga, kasabay ng pagdakip sa tatlo kataong pinaniniwalaang mi­yembro ng mas malaking sindikato.

Ayon sa paunang ulat ng BOC-Clark, hagip sa ikinasang operasyon ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Enforcement & Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-ray Inspection Project (XIP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 1.2 kilong Ketamine na ikinubli sa dalawang kargamentong idineklarang water purifier.

Gamit ang x-ray scanners at mga bagong trace detectors na binili ng kawanihan sa hangaring paigtingin at mas pabilisin ang pagtukoy ng mga iligal na kargamento, Abril 30 nang nabulilyaso ang 600 gramo ng kargamentong droga na unang idineklarang water filter purifier mula sa lungsod ng Klang sa bansang Malaysia.
Sa pagtataya ng PDEA, aabot sa P6 milyon ang halaga ng nasabat ng droga.

Matapos ang dalawang linggo, silat din ang isa pang 600 gramo ng drogang Ketamine na ikinubli sa “sharp air purifier haze mood” mula naman sa lalawigan ng Shah Alam sa Malaysia pa rin.
Matapos sumailalim sa pag­susuri ng PDEA sa harap ng mga kinatawan ng iba’t ibang katuwang na government law enforcement agencies, kapwa lumabas na positibo ang dalawang kargamentong tinawag na “Special K Ketamine” ng naturang ahensya.

Dito na ikinasa ang controlled delivery operation ng BOC, kasama ang PDEA, sa Makati City at Malate sa lungsod ng Maynila kung saan arestado ang tatlong suspek – kabilang ang dalawang Taiwanese nationals sa aktong pagtanggap ng mga kargamentong nakapangalan sa mga suspek.

Hindi naman binanggit sa ulat ng BOC ang mga pagkaka­kilanlan ng tatlong suspek na pawang nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) at RA 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).

Sa isang kalatas, binigyang pagkilala naman ni Port of Clark District Collector ang ipinamalas na pagtugon ng kanilang mga kawani sa direktiba ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero sa pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa pagpasok sa bansa ng mga ipinagbabawal na gamot.

180

Related posts

Leave a Comment