P70 ROLLBACK SA LPG

LPG12

(NI DAVE MEDINA)

INAASAHAN ang malakihang rollback sa presyo ng Liquefied Petroleum Gas (LPG) o cooking gas sa pagpasok ng buwan ng Hunyo dahil sa ibinagsak nang contract price ng imported na LPG nitong nagdaang linggo.

Sa pagtaya ng oil industry nasa P6.40 kada kilo na ang rollback sa presyo ng LPG o katumbas ng P70.40 na rollback sa kada 11-kilogram na LPG tank.

Sa sandaling matukoy na ang final contract price ng LPG ngayong buwan ng Mayo ay maisasapinal naman ang mas mataas na halagang iro-rollback ng mga supplier ng LPG sa buong bansa.

Samantala, makaraan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo noong nakaraang linggo, may price rollbak namang inaasahan ngayong araw ng Martes, May 28.

Sa abiso ng Petro Gazz, Phoenix Petroleum, Seaoil at Shell , P0.35 ang tapyas sa kada litro ng gasolina at P0.45 naman sa kada litro ng diesel samantalang may rollback din na P0.60 sa kada litro ng kerosene o gaas ang mga kompanyang Seaoil at Shell.

Gayunman, nauna nang nagpatupad ng rollback alas-6:00 pa lang ng umaga ng Linggo ang Phoenix Petroleum.
Sinabi naman ng Seaoil, epektibo ang kanilang oil price adjustment alas-12:01 ng madaling-araw habang alas-6:00 ng umaga naman ang Shell at Petro Gazz.

Inaasahang mag-aanunsyo na rin ng rollback ang iba pang kompanya ng langis.

Sa pinakahuling tala ng Department of Energy (DOE), maglalaro ang presyo ng kada litro ng gasolina mula P46.15 hanggang P63.16, kerosene mula P46.04 hanggang P59.70 habang ang diesel naman ay mula P41.50 hanggang P49.05.

192

Related posts

Leave a Comment