ISINAPUBLIKO ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) na nagpapakitang may kabuuang yaman siyang P121,144,271.31, ngunit may utang na P47,124,876.71 — kaya’t P74,019,394.60 ang kanyang total net worth.
Batay sa dokumento, pagmamay-ari ni Dy ang 11 agricultural lots (dalawa rito ay minana), 2 residential lots, at 3 bahay (dalawa rin ay minana) na nagkakahalaga ng P32,528,010.
Mayroon din siyang cash na P25.184 milyon, mga alahas, personal na gamit, shares of stock, bodega, makinarya, at limang sasakyan, na may kabuuang halagang P88.616 milyon.
Kasabay ng paglalantad ng kanyang SALN, naglabas si Dy ng memorandum order noong Oktubre 20, 2025 para buhayin ang SALN Review and Compliance Committee, at itinalaga si Deputy Speaker Ferdinand Hernandez bilang chairman.
Layon ng komite na gumawa ng guidelines para sa pagsasapubliko ng SALN ng lahat ng miyembro ng Kamara, bilang tugon sa panawagan ng publiko para sa transparency sa gitna ng mga isyu ng anomalya sa flood control projects.
“Noong panahon natin, open naman para makita ng publiko ‘yung ating SALN,” ani Dy.
Sa ngayon, si Dy pa lang ang mataas na opisyal ng Kamara na naglabas ng SALN — samantalang karamihan sa mga nagbubunyag ng kanilang yaman ay mula sa oposisyon.
(BERNARD TAGUINOD)
