P8M MARIJUANA NAREKOBER SA 5 ‘PUSHER’

ARESTADO ang limang hinihinalang drug pusher matapos makumpiskahan ng tinatayang 8 milyon pisong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa ikinasang buy-bust operation nitong Miyerkoles ng hapon sa lungsod ng Malolos.

Ang nasabing anti-illegal drug operation ay ikinasa ng joint operatives ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region III, Bulacan Provincial Police Office (PPO) at Malolos City Police Station.

Kinilala ni Christian Frivaldo, PDEA-3 regional director ang mga nadakip na sina John Patrick Milan, alyas “Wang”; Kevin Paul Jose; Mispa Jamsen; Jayson Justiniano at Enrick Justin, na pinaniniwalaang mga major supplier ng marijuana sa lalawigan ng Bulacan at Pampanga.

Base sa panimulang imbestigasyon, isinagawa ang operasyon bandang 2:30pm sa No. 2B 920, Barangay Look 1st sa nasabing lungsod.

Narekober sa pag-iingat ng mga suspek ang humigi’t kumulang 68 kilos ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P8,160,000.00, cellular phone, weighing scale at ang ginamit na marked money.

Nahaharap sa kasong Violations of the Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang limang suspek. (ELOISA SILVERIO)

152

Related posts

Leave a Comment