HINDI ko alam kung sino ang tunay na nagsabi nito: Isakripisyo ang ilan para sa kaligtasan ng nakararami.
Pasintabi sa mga kumokontra sa desisyon ng gobyerno na huwag palabasin ang mga taong hindi pa nababakunahan, dahil nalalabag daw ang kanilang karapatang pantao habang lumalaganap ang COVID-19.
Paaano naman ang karapatan ng mga taong bakunado na dapat ding maproteksyunan? Iniisip ba nila ‘yun? Dapat pantay lang ang pagtingin ng human rights advocates.
Kaya maraming nagpapabakuna ay para makaalis na sana tayo sa pandemyang ito na halos dalawang taon nang nagpapahirap sa buong mundo pero may mga taong ayaw maniwala sa siyensa at bakuna.
Kung pagbabasehan ang report sa buong mundo sa paglaganap ng Omicron variant, mahigit 90 percent sa mga nagka-COVID ay hindi bakunado o isang bakuna pa lang ang nakukuha.
Ibig sabihin, sila ang vulnerable sa COVID-19 ngayon at may mga naniniwala na sila-sila ang naghahawaan at nanghahawa kaya hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong mundo ay nagpapatupad ng ‘no vaccine, no labas’.
Ginagawa ito ng mga gobyerno sa mundo upang maproteksyunan ang mas nakararami pero may mga grupo na gumagamit sa isyung ito para sa kanilang political interest.
Walang problema na ipagtanggol ang mga taong ayaw magpabakuna dahil karapatan nila ‘yun pero hindi ba dapat ipagtanggol din ang mga taong nalalagay sa panganib na mas nakararami?
Sa loob ng isang bahay kapag may nagkasakit, ina-isolate natin. Inilalagay natin sila sa isang kuwarto sa loob ng 7 hanggang 14 araw para hindi mahawa ang lahat ng miyembro ng pamilya.
Nagrereklamo ba ang ina-isolate natin na “nilalabag ang kanyang karapatang pantao?”. Hindi, dahil alam nila na para sa kaligtasan ng kanyang pamilya ang ginagawa sa kanya.
Ipinagtatanggol din ba ng human rights advocates ang mga miyembro ng pamilya na nag-a-isolate at hindi pinapalabas ng kanilang mga mahal sa buhay? Parang hindi!
Ngayon, ang tanong sa human rights advocates daw na kontra sa ‘no vaxx, no labas’, paano naman ang karapatan natin na bakunado na?
195 