“HUWAG ipasa-load sa LGUs ang pagbili ng palay.”
Ito ang sinabi ni Senate Pro-Tempore Sen. Ralph Recto sa pagsasabing kulang na nga ang pondo ng mga local government unit ay ipapasa pa sa kanila ang pagbili ng palay ng mga magsasaka.
“Kakaunti lang ang local governments na may surplus na pera na pwedeng ipambili ng palay. Wala nang laman ang kanilang salop ng pera. Matagal nang inubos ng covid. Hindi pwedeng ipasa-load ang problemang ito sa mga local government frontliners,” giit nito.
Paliwanag pa ni Recto, malaking gastos ang pagpapatakbo ng isolation centers maliban pa ang gastusing iniluwal ng pandemya tulad ng distance learning at ayuda sa mga nawalan ng trabaho.
Giit nito, tama ang suhestyon sa mga lokal na pamahalaan na ituloy ang pamimigay ng bigas at may pondo na gawing direkta ang pagbili nito sa mga magsasaka sa kanilang lugar.
“Subalit hindi ito ang pangunahing solusyon. Maaring isa sa maraming lunas kung paano sagipin ang bumubulusok na presyo ng palay,” aniya pa.
Malaki aniya ang tiwala nito sa Department of Agriculture (DA) at Department of Trade and Industry (DTI) na bumalangkas ng isang plano kung paano maagapan ang pagkalugi ng milyun-milyong magsasaka sa panahong kailangan nila ng kita. (NOEL ABUEL)
150
