ALL-SET na ang pagsisimula ng School Year (SY) 2022-2023, na nakatakda ngayong Agosto 22, ayon sa Department of Education (DepEd).
Sa unang araw ng Agosto ay sinimulan ang 2022 National “Brigada Eskwela” Kick-off sa Imus Pilot Elementary School sa Cavite.
Ayon kay Vice President at Education Secretary Sara Duterte-Carpio, ang pagbubukas ng klase ngayong taon ay posibleng magdulot ng kagalakan at pagkabahala sa ilang mga guro, magulang at mag-aaral.
Aminado si Duterte na bukod sa COVID-19 ay maraming iniisip ang bawat isa na malaking hamon sa pang-araw-araw lalo na sa mga estudyante tulad ng monkeypox, baha, lindol, bagyo at iba pa.
Pero, kumpiyansa aniya na malalampasan ng DepEd ang mga hamon na ito, basta ang mahalaga ay may determinasyon na magtagumpay sa misyon.
Sa guidelines na inilabas ng DepEd, ipatutupad ngayong school year ang pagpapatuloy ng limang araw na in-person classes, blended learning modality at full distance learning hanggang October 31.
Pagsapit ng November 2 ay magsisimula naman ang full face-to-face classes sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa bansa.
Magtatapos ang SY 2022-2023 sa Hulyo 7, 2023. (ENOCK ECHAGUE)
297 