SA gitna ng pagbugso ng mga kaso ng Delta variant ng COVID-19, ipinanawagan ni Senador Win Gatchalian sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mas maigting na paggamit ng local government units (LGUs) at pagtangkilik sa StaySafe.PH application para magkaroon ng unified contact tracing system sa bansa.
“Sa totoo lang, kulang pa rin ang contact tracing. Ilang LGUs pa lang ang gumagamit ng unified contact tracing. Hindi kagaya sa Taiwan o Singapore, mayroon silang iisang contact tracing app. Dito sa atin, hindi pa natin napeperpekto ang contact tracing app. So, ito ang nakikita kong malaking pagkukulang,” giit ni Gatchalian.
Kailangan, aniya, na isaalang-alang ang pagtatatag ng unified contact tracing system upang mapabilis ang pagtunton sa mga nahawa ng mas matinding klase ng COVID-19 lalo na at dumadami na ang kaso ng Delta variant at para na rin mapigilan ang pagkalat nito.
Base sa kasalukuyang sitwasyon, mas mainam kung automated o gagamit na lang ng application sa contact tracing, paliwanag ng senador.
“Mas mabilis, mas matipid, mas accurate, at hindi nakakapagod kung hindi mano-mano ang sistema ng contact tracing. Mahirap matunton ang mga nahawa lalo na kung nasa 20 hanggang 30 ang taong hinahanapan mo ng posibleng na-expose sa pasyenteng may COVID-19,” ani Gatchalian.
Bago pa man ipatupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Metro Manila at kalapit na mga lugar, naglabas ng Memorandum Circular No. 2021-075 noong Hulyo 6 si DILG Sec. Eduardo Año na nag-uutos sa lahat ng LGUs na wala pang contact tracing application na itaguyod ang pagtangkilik ng StaySafe.PH app sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Sa kasalukuyan, tanging ang mga siyudad ng Valenzuela, Antipolo, Mandaluyong, Pasig, Quezon at Taytay sa Rizal palang ang mayroong unified contact tracing application.
Ang Valenzuela City ay may ValTrace app samantalang ang Antipolo City ay may tinatawag na Antipolo Bantay Covid-19. MandaTrack ang tawag sa app ng Mandaluyong City, PasigPass sa Pasig City, Kyusi Pass sa Quezon City, at Taytay Trail naman ang tawag sa app ng Taytay.
“Kung nagawa at naipatupad ng ilang lokal na gobyerno ang pagkakaroon ng unified tracing system sa kani-kanilang nasasakupan, palagay ko kayang gawin ito ng malawakan at ipatupad sa buong bansa. Ang pinakamahalaga dito ay contactless at magagamit yung database kung merong nag-positive,” sabi ni Gatchalian. (ESTONG REYES)
168 