PAGKAKATAONG PUMILI NG MGA KARAPAT-DAPAT NA LIDER

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

NARITO na naman ang panibagong pagkakataon nating mga Pilipino para tugunan ang ating tungkuling pumili ng mga lider na maglilingkod sa bayan at magdadala ng positibong pagbabago sa ating lipunan.

Tutok na tutok ang mga ahensya ng pamahalaan, pribadong sektor, at pati na rin ang mga volunteer para sa mga paghahanda na magsisigurong magkakaroon ng maayos at payapang eleksyon.

Halimbawa na lang itong sektor ng enerhiya kabilang ang Department of Energy at Meralco na walang patid sa paglalahad ng kahandaan para masigurong mayroong maayos na serbisyo ng kuryente sa mga polling at canvassing centers at iba pang vital election sites. Kung magkakaroon man ng aberya, nakahanda naman ang contingency measures para masigurong agad na mareresolba ang anomang problema para hindi makaapekto sa election activities.

Kahit midterm elections lang ito, todo-todo talaga ang naging pagkampanya ng mga kandidato at napakarami ring mga isyung lumutang sa kasagsagan ng kanilang pangangampanya.

Kagaya ng ibang mga halalan, hindi ito simpleng paligsahan ng mga pangalan o popularidad. Dito natin sinusukat kung epektibo ba ang mga nauna nang naihalal at ang kanilang mga programa, at kung sino ba talaga ang dapat nating italaga bilang mga pinuno sa Kongreso, mga lokal na opisyal, at mga lider na may direktang epekto sa ating araw-araw na buhay.

Hindi man madali dahil may kanya-kanya tayong paniniwala na base sa ating karanasan, importanteng isaalang-alang natin na malaki ang papel na gagampanan ng mga ihahalal natin sa ating buhay. Kaya importanteng suriin ang karakter at track record, ito ang mas mahalaga kaysa kasikatan. Hindi sapat na artista, influencer, o kilala lang ang isang kandidato. Kailangang mayroon talaga silang kakayahang maglingkod at isantabi ang mga personal na interes, at siyempre may malasakit sa kapwa at integridad.

Kailangan din nating tandaan na hindi lahat mga pangako nila, maaaring matupad —lalo na kung kaakibat ng kanilang pangangampanya ang pagbibigay ng pera kapalit ng ating mga boto. Sa bawat tanggap ng bayad para sa boto, isang tao na hindi karapat-dapat ang naihahalal, at ilang taon ng katiwalian ang kapalit.

Isipin natin ang kinabukasan at hindi ang pansamantalang benepisyo. Ang mga lider na ating ihahalal ngayon ang magpapasa ng mga batas, magbubuo ng mga patakaran, at magdedesisyon para sa ating mga anak, kabuhayan, at kalikasan.

Ngayong bahagi na ng pagdedesisyon natin ang mga nakikita sa social media, kailangan nating mas maging mapanuri sa impormasyon at iwasan magpakalat ng fake news. Maaaring maluklok ang maling mga tao sa puwesto kung lalaganap at tatangkilikin ang disimpormasyon.

Panibagong pagkakataon na hindi natin dapat sayangin ang halalan ngayon. Nagsisimula ang tunay na pagbabago sa matalinong pagboto—dahil sa bawat boto, may kinabukasang nakataya.

166

Related posts

Leave a Comment