TULOY ANG BENTE-BENTE

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TULOY ang pagbebenta ng P20 kada kilo na bigas simula Mayo 13, isang araw matapos ang halalan.

Ang pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas ay inilunsad nitong Mayo 1 sa Cebu City, ngunit pinahinto muna dahil sa halalan.

Ngayong Mayo 13, lumawak na ang lugar na magbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo at simula na itong ibebenta sa mga piling Kadiwa ng Pangulo center sa Metro Manila at mga karatig na probinsya.

Ayan, pinangatawanan at pinanindigan ng administrasyong Marcos na hindi gimik pang-eleksyon ang programa.

Nauna nang sinabi ng Palasyo na palalawigin pa ng gobyerno ang pagbebenta ng bigas sa halagang P20 kada kilo upang tugunan ang kahirapan at kagutuman sa bansa.

Malamang ang kwestyon ay kung masusustinihan ng gobyerno ang pangmatagalang pagbebenta ng murang bigas.

Malulugi ang pamahalaan. Kaya hanggang saan aabot ang pondong pangsubsidiya?

o0o

Tatanggap ang mga guro at iba pang poll worker na magsisilbi sa eleksyon ngayon ng dagdag na P2,000 sa kanilang allowance, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na dagdagan ang kanilang kompensasyon.

Dahil dito, ang bagong honoraria rates ng mga nasa Electoral Board ay ang mga sumusunod: P12,000 para sa chairperson mula sa dating P10,000; P11,000 para sa poll clerk mula sa dating P9,000; P11,000 para sa 3rd member, mula sa dating P9,000; at P8,000 para sa support staff mula sa P6,000.

Nasa 281,587 ng personnel ng DepEd ang mabebenepisyuhan ng dagdag na kompensasyon.

Ayan, naramdaman din ng Palasyo ang hirap, pagod at sakripisyo ng mga guro at poll workers.

Kung mabilis ang aksyon ni PBBM at ng DBM na itaas ang allowance ng mga miyembro ng electoral board ay ganun din kasimbilis ang paglabas ng kompensasyon.

Hindi lamang dahil may koneksyon sa eleksyon kundi para sa kapakanan ng mga nagtatrabaho, anoman ang oras at panahon.

60

Related posts

Leave a Comment