EDITORIAL
NGAYON ang Araw ng Halalan.
Mahigit 68 milyong Pilipinong botante ang inaasahang lalahok sa midterm election para punan ang mahigit 18,000 posisyon mula sa Senado, hanggang puwesto sa lokal, kabilang ang sa Bangsamoro region.
Pinakamaraming bilang ng mga botante ang Calabarzon na may 9,714,079. Sumusunod ang mga rehiyon ng Region III, NCR, Region VII, at Region V.
Pinakamalaki namang voting provinces ang Cebu, Cavite, Bulacan, Pangasinan, Laguna, Negros Occidental, Batangas, Pampanga, Rizal, at Iloilo.
Naniniwala ang Commission on Elections (Comelec) na magiging mapayapa at maayos ang 2025 midterm elections. Gayunman, umapela ang komisyon sa publiko na maniwala sa proseso ng elektoral at huwag mahulog sa fake news.
Tiniyak ng Malacañang na sapat ang paghahandang isinagawa ng pamahalaan para sa halalan.
Inatasan naman ni Philippine National Police (PNP) Chief General Rommel Francisco Marbil ang mga regional at station commander na siguraduhing walang karahasang mangyayari.
Ang mga presinto ng botohan ay magbubukas ng alas-5 ng umaga upang payagan ang mga senior citizen, person with disability at buntis na botante, na bumoto nang maaga hanggang 7 am. Gayunman, maaari pa rin silang bumoto hanggang 7:00 ng gabi.
Ang regular na oras ng pagboto naman ay mula alas-7 ng umaga hanggang 7 ng gabi.
Ito ang pagkakataong gamitin ang karapatang bumoto para sa mas maunlad na bansa. Nasa mga botante ang kapangyarihang paigtingin ang tunay na pagbabago. Nakasalalay rito ang kinabukasan ng bayan.
Isang araw lang ang eleksyon, pero nakataya ang tatlong taon ng bansa at ng taumbayan.
Kaya maglaan ng oras sa paglahok sa ilang oras na botohan na magtatakda ng kinabukasan ng bansa.
