INAPRUBAHAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force (IATF) na ibalik ang National Capital Region (NCR) sa ilalim ng general community quarantine (GCQ) “with heightened restrictions” simula Hulyo 23, 2021 hanggang Hulyo 31, 2021.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na kapareho rin ang IATF rules na susundin nang isailalim ang NCR sa GCQ “with heightened restrictions” kamakailan.
Nasa ilalim din ng GCQ “with heightened restrictions” ang mga probinsiya ng Ilocos Norte at Ilocos Sur, na dati ay nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ) hanggang sa katapusan ng Hulyo.
Galing naman aniya sa modified enhanced community quarantine (MECQ), ang Davao de Oro at Davao del Norte ay isinailalim sa GCQ “with heightened restrictions” epektibo sa Hulyo 23, 2021 hanggang 31, 2021.
Ang lahat ng mga lugar na nasa ilalim ng GCQ “with heightened restrictions,” ay pagbabawalan ang mga kabataan na edad limang taon pataas na lumabas ng bahay at magpunta sa outdoor areas, gaya ng nakasaad sa ilalim ng IATF Resolution No. 125 (s.2021).
Ang Davao del Sur, na dating nasa ilalim ng MECQ, ay isinailalim na GCQ simula Hulyo 23, 2021 hanggang Hulyo 31, 2021.
Bawal muling lumabas
Kaugnay nito, binawi na ng IATF ang una nitong polisiya na payagang lumabas ang mga batang limang taon pataas.
Sa pamamagitan ng IATF Resolution No. 125, bawal lumabas ang 5 years old pataas sa mga lugar na isinailalim sa GCQ “with heightened restrictions” mula kahapon hanggang katapusan ng buwan.
“As these areas will be placed under GCQ with heightened restrictions, children five years old and above will not be allowed to go to outdoor areas, as provided for under IATF Resolution No. 125 (s.2021),” ayon kay Sec. Roque.
Una nang inirekomenda ng mga eksperto na alisin ang polisiya sa pagpapalabas sa mga batang limang taon pataas kasabay ng suhestiyon na maghigpit din ng quarantine protocol sa gitna ng ilang kaso ng Delta variant na naitatala sa bansa.
Nanawagan din ang Metro Manila mayors sa IATF na suspendihin ang polisiya sa harap ng banta ng bagong COVID-19 variant.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairperson Benhur Abalos, ang mga bata ay hindi pa maaaring maturukan ng COVID-19 vaccine kaya maaari silang maging superspreaders.
Sa kabila nito, sinabi ni Abalos na handa ang Metro Manila mayors sa Delta variant. (CHRISTIAN DALE)
145 