NORTH COTABATO – Patay ang isang doktor matapos pagbabarilin ng ‘di pa kilalang gunman habang nagdya-jogging malapit sa pampublikong paaralan sa Poblacion ng bayan ng Pikit sa lalawigang ito, nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang biktimang si Dr. Robert Cadulong Al Haj, dating municipal health officer sa bayan ng Pagalungan at Datu Montawal sa lalawigan ng Maguindanao, bago nagretiro. Nagmamay-ari rin ito ng isang pribadong ospital sa bayan ng Pikit.
Ayon kay Police Major Pangandigan, hepe ng Pikit Municipal Police, batay sa mga nakasaksi, sakay ng motorsiklo ang mga suspek at ang backrider ang bumaril sa doktor dakong alas-5:45 ng umaga.
Tinamaan ng mga bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Agad namang kinondena ng mga lokal na opisyal sa lalawigan at mga kasamahang doktor ang pagpatay sa biktima.
Nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad hinggil sa nasabing pangyayari. (BONG PAULO)
154 