MATAGAL nang nilalabanan ng Pilipinas ang mga infectious disease at naglunsad na ang pamahalaan – partikular ang Department of Health (DOH) ng mga programa para maiwasan ang mga casualty.
Sa datos na tinipon ng Statistica, isang global organization na gumagawa ng statistical research, ang respiratory ailment ay nangungunang killer infectious disease sa bansa.
Partikular na ipinahiwatig dito na ang Tuberculosis o TB, isang nakakahawang sakit sa baga.
Ang TB ay mabilis na naililipat sa ibang tao sa pamamagitan ng hanging hininga kapag ang may TB ay umubo, bumahin o dumura.
Sa listahan ng nangungunang 10 sakit, anim ang kaugnay ng TB kaya mas mahalaga para sa gobyerno na tugunan ito kagaya ng ginawa noong COVID-19 pandemic.
Sa 2021 World Health Organization (WHO) na datos, ang nagkaroon ng TB sa Pilipinas ay nasa 741,000. Nasa halos 61,000 ang namatay.
Ang datos ng DOH ay mas mababa ng kalahati sa naitala ng WHO. Gumagamit ang WHO ng magkakaibang metodolohiya depende sa rehiyon. Sa Pilipinas, gumamit ang WHO ng nababagay sa demograpiko sa Southeast Asia.
Kung pagbabatayan ang datos ng WHO, may posibilidad na ang kaso ng TB sa bansa ay lagpas na ng isang milyon.
Kailangan ang mabilis na pagtugon sa problemang ito.
Dahil sa modernong siyensa, magagamot ang TB kung gagawa agad ng hakbang ang gobyerno.
Ayon sa WHO, nasa sangkapat ng populasyon ng mundo ay nahawa ng TB bacteria.
Madaling kapitan ng impeksyon ang mga naninigarilyo, may diabetes (mataas ang blood sugar), mahina ang immune system (immunocompromised) at malnourished. Apektado rin ng TB ang bato, utak, gulugod at balat.
Nalulunasan ang TB, ngunit ang mas mabuting hakbang ay prebensiyon o pag-iwas na inirerekomenda ng karamihang medical professionals.
Ngunit, kung tuloy-tuloy ang mga sintomas, kailangan nang magpatingin sa doktor kung matagal nang inuubo, nilalagnat at hindi maipaliwanag na pagbaba ng timbang. Ang maagang paggamot ay makatutulong mapigilan ang paglaganap ng sakit at tumaas ang tsansang gumaling.
Pinapayuhan ang mga naninigarilyo, may diabetes, immunocompromised, na magpasuri para sa TB infection.
Kumpletuhin ang iniresetang gamot para makaiwas sa TB, ngunit ugaliin ang magandang pangangalaga sa kalusugan kapag umuubo, kabilang din ang umiwas sa ibang tao, pagsuot ng mask, takpan ang bibig at ilong kapag umubo o bumahin, at gamitin nang maayos ang tissue sa pagtapon ng plema.
Mahalaga rin ang respirators at ventilation upang mabawasan ang impeksyon sa mga healthcare at ibang institusyon.
Kumikilos ang DOH na masugpo ang mga nakakahawang sakit tulad ng TB. Katibayan nito ang TB-DOTS, o Tuberculosis Directly Observed Treatment, Short Course na itinatag mula sa mataas na healthcare institutions pababa sa komunidad.
Hindi hadlang ang kahirapan para magamot ang pasyenteng may TB. Nagbibigay ang DOH ng pre-treatment evaluation gaya ng Blood Chemistry, Chest X-ray and sputum examinations, bukod sa Patient Initiated Counseling and Testing ng TB HIV. May paglapat ng lunas sa regular at Drug Resistant TB.
Ipinababatid sa mga tao ang mga dapat gawin para makaiwas sa TB, kung paano magpagamot kapag dinapuan, at kung ano ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno para masugpo ang karamdaman.
Ngunit may aberya. Ang ahensyang nagsusulong ng kalusugan ay naubusan ng supply ng mga gamot sa TB.
Wala sa kamalayan ng mga tao na ubos na ang gamot kontra TB.
Tinataya o malamang na halos isang milyong Pilipino ang may TB, at hindi ito batid ng marami.
Nanganganib ang buhay ng mga pasyente kung hindi makakabili ng gamot ang bansa. At kung mayroon mang gamot ay hindi agad naihahatid sa mga health center at klinika.
