PAGLAYA NI DE LIMA INILAPIT KAY BBM

TANGING si President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pag-asa ni Sen. Leila de Lima para makalaya mula sa mahigit 5 taong pagkakabilanggo dahil sa umano’y gawa-gawang kaso laban sa kanya ng paalis na administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang lumalabas matapos manawagan ang kaalyado ni De Lima sa Kamara na si Albay Rep. Edcel Lagman kay Marcos na palayain ang numero unong kritiko ni Duterte.

“The new administration will embark on the right foot by freeing de Lima from an unwarranted and unjust imprisonment,” ayon sa mambabatas.

Mula Pebrero 24, 2017 ay nakakulong si De Lima matapos sampahan ng kasong may kaugnayan sa ilegal na droga na ipinapalagay ng mga kaalyado nito na ganti ni Duterte matapos imbestigahan ng senador ang Davao Death Squad (DDS).

Nakatakdang matapos ang termino ni Duterte sa Hunyo 30, 2022 ng tanghali at papalitan na ito ni Marcos na siyang nanalo sa nakaraang halalan sa pamamagitan ng mahigit 31 milyong boto.

Dahil dito, nakakakita ng pag-asa ang mga kaalyado ni De Lima na makalalaya na ito sa pamamagitan ni Marcos lalo na’t humihina na umano ang ebidensya laban sa senador.

Sa tatlong kaso na isinampa laban kay De Lima, isa na rito ang ibinasura ng korte noong February 17, 2021 dahil sa kawalan ng sapat na ebidensya para idiin ito sa ilegal na droga.

“Moreover, the major prosecution witnesses in the two other pending cases have voluntarily recanted for having been coerced to testify and the other witnesses have failed to pin down de Lima,” paliwanag pa ni Lagman.

Umaasa ang mambabatas na pag-upo ni Marcos bilang Pangulo ng bansa ay paiiralin nito agad nito ang hustisya sa pamamagitan ng pagpapalaya kay De Lima. (BERNARD TAGUINOD)

200

Related posts

Leave a Comment