PAGPAPABAGSAK SA MGA DUTERTE ISINIWALAT NI SEN. IMEE MARCOS

PUNA ni JOEL O. AMONGO

KAHIT anong pagtatago ng kasalukuyang administrasyon ay lalabas at lalabas ang katotohanan na talagang may motibo sila sa pagpapaaresto nila kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa binasang report ni Senador Imee Marcos sa kanilang pagdinig sa Senado kamakailan sa pamamagitan ng Senate Committee on Foreign Relations, lumalabas na pinagplanuhan talaga ng BBM administration kung paano nilang pababagsakin ang mga Duterte.

Una ang ginawang pagsusulong ng People’s Initiative (PI), sinundan ng imbestigasyon sa Confidential Funds at impeachment laban kay Vice President Inday Sara Duterte, at itong pinahuli ay ang pag-aresto at pagpapadala kay dating Pangulong Duterte sa International Criminal Court (ICC), The Hague, The Netherlands.

Ayon kay Imee, ginamit ng BBM administration ang buong pwersa ng gobyerno para sa pagpapabagsak sa mga Duterte.

Nakipagsabwatan din aniya ang mga ito kay Antonio Trillanes para sa pagsasampa ng kaso sa ICC para maipadala ang dating pangulo sa The Hague, The Netherlands.

Malinaw sa binasa ni Senator Imee na ang dahilan na patuloy na pag-atake ng administrasyon laban sa mga Duterte ay para hindi na makatakbong presidente si VP Inday Sara sa 2028 presidential election.

Nabahag ang buntot ng BBM administration dahil alam nila na hindi mananalo ang kanilang pambato laban kay Inday Sara sa 2028 presidential election.

Ngayon dahil hindi natiis ni Senator Imee ang inyong mga ginagawa at nabisto ang mga plano niyo, ano na ang mangyayari sa inyo sa susunod na mga araw?

Ngayon panay ang pakiusap ni Speaker Martin Romualdez sa taumbayan na i-solid ang boto sa team nakasusuka este team Alyansa Para sa Bagong Pilipinas pala. Nangangamba kayo na baka hindi matuloy ang impeachment laban kay VP Sara dahil walang mananalo sa mga kandidato niyong senador?

Baka ang resulta ng eleksyon ay mabaliktad, ang iboto ng mga Pilipino ay ang DuterTen.

Sino nga ba ang sinabihan nilang team suka? Ang DuterTen ay humahataw ngayon sa mga probinsiya, dahil minsan ay nakasama ako at nasaksihan ko na kung anong tindi ng init ng panahon ay ganoon din ang init ng pagtanggap ng mga tao sa kanilang isinasagawang motorcades.

Siyempre kasama riyan sa humahataw ay si dating executive secretary Atty. Vic Rodriguez, na sa tuwing dumaraan ang truck na kanyang sinasakyan ay sinisenyasan siya ng kamao ng mga tao na senyas na madalas ginagamit ni dating Pangulong Duterte.

Dahil sa paglabas ng katotohanan na binasa ni Sen. Imee, pinaiimbestigahan niya sa Office of the Ombudsman ang mga personalidad na nagplano at umaresto kay dating Pangulong Duterte para dalhin siya sa ICC sa The Hague, The Netherlands.

Ang magkapatid na sina Department of Justice Secretary Boying Remulla at Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla, ay posibleng may kaharapin na mga kaso sa Ombudsman.

Kasama rin sina Philippine National Police (PNP) chief, General Francisco Marbil, Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) chief, General Nicolas Torre at Ambassador Marcos Lacanilao.

Isama n’yo na rin sa kasuhan sa Ombudsman sina National Defense Secretary Gilbert Teodoro at National Security Adviser Balimbing este, Secretary Eduardo Año.

Ang mabaho kahit anong pagtatago ninyo ay lalabas at lalabas ‘yan dahil mangangamoy ‘yan.

Sana naman kumilos ang Office of the Ombudsman sa panawagan sa kanila ni Senator Imee Marcos na imbestigahan ang mga personalidad na ito na nanguna sa ilegal na pag-aresto at pagpapadala sa ICC kay dating Pangulong Duterte.

Abangan natin ang susunod na kabanata ng kwentong sabwatan sa planong pagpapabagsak sa mga Duterte, sabay-sabay natin saksihan ang kanilang pagbagsak.

oOo

Para sa reklamo at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail. com o mag-text sa cell# 0962-394-3098.

4

Related posts

Leave a Comment