IPINAGPALIBAN ng Senate Blue Ribbon Committee ang nakatakdang pagdinig kaugnay sa flood control anomalies sa April 14, Martes.
Ayon kay Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson, nagpasya silang hindi muna ituloy ang pagdinig habang hinihintay na makapagsumite si dating Governor Luis “Chavit” Singson ng sinumpaang salaysay,
gayundin habang nirerepaso at kumakalap pa ng kailangang mga pirma sa partial committee report ukol sa inimbestigahang anomalya sa flood control projects.
Sa tingin din anya ng komite ay kailangang ipagpaliban ang pagdinig habang tinutugunan ang kasalukuyang sitwasyon kung saan nasa national energy emergency ang bansa.
Sa ipinadalang liham ni Lacson kay Singson, nakasaad na maaari niyang ikonsidera ang muling pagpapatawag ng pagdinig kung makapagsusumite si Singson ng kahit kopya man lamang ng kanyang draft affidavit, at kung may lima pang miyembro ng komite ang lalagda sa partial committee report upang maiprisinta ito sa plenaryo ng Senado.
Ayon kay Lacson, binigyan ng Blue Ribbon Committee si Singson ng hanggang April 7, isang linggo bago ang nakatakda sanang pagdinig para isumite ang kanyang draft affidavit, ngunit wala itong naging tugon.
Una anyang ipinadala ang imbitasyon kay Singson sa pamamagitan ng email noong March 25.
Nang walang sagot, nagpadala ang komite ng kopya ng liham ng imbitasyon sa kanyang tirahan noong April 6.
Matatandaang si Singson ang humiling na makatestigo sa pagdinig ng Senado dahil mayroon daw siyang isisiwalat o nalalaman ukol sa anomalya sa flood control projects.
Samantala, sinabi ni Lacson na ikinokonsidera niyang maghain ng Chairman’s Report kaugnay ng isyu sa flood control projects at ipasa ito sa Ombudsman, kasama ang mga dokumento, transcript, at iba pang ebidensyang nakalap sa serye ng pagdinig.
(DANG SAMSON-GARCIA)
85 