BASILAN – Patay ang isang miyembro ng Philippine Army habang malubhang nasugatan ang isa pa na kabilang sa nagmamantina ng temporary checkpoint na pinasabog ng isang improvised explosive device sa Campo Uno, Lamitan City sa nabanggit na lalawigan.
Ayon kay Western Mindanao Command Acting Commander MGen. Generoso Ponio, base sa inisyal na pagsisiyasat, may tatlong lalaking sakay ng motorsiklo ang nakita sa lugar nang mangyari ang pagsabog bandang alas-8:50 ng umaga noong Martes.
Ang dalawang sundalo na mga kagawad ng Army 68th Infantry Battalion na nagbibigay seguridad sa lugar, ay sinasabing pinaputukan pa ng isa sa hinihinalang mga kasapi ng lawless elements o terrorist group.
Ayon sa ulat na natanggap ni Gen. Ponio, isa sa tatlong suspek ay pinaputukan ang isa sa dalawang sundalong nasugatan gamit ang caliber.45 pistol.
Habang tinangay naman ang hawak na R4A3 rifle with M203 grenade
launcher attached ng isa pang sugatang sundalo, ng tumakas na mga suspek patungo sa direksyong ng Barangay Cabobo ng nasabing siyudad lulan ng itim na XRM motorcycle.
“We will continue to intensify our efforts to identify and neutralize the perpetrators and prevent the recurrence of similar incidents,” pahayag ni Maj. Gen. Ponio.
Sa kabilang dako, sinabi ni Brig. Gen. Domingo Gobway, commander ng Joint Task Force Basilan, nagpapatuloy ang imbestigasyon at
at pursuit operations laban sa mga suspek.
Tumanggi muna si Gobway na tukuyin ang pagkakakilanlan ng napatay na sundalo dahil hindi pa naabisuhan ang pamilya nito.
Unang dinala ang sugatang mga sundalo sa Lamitan City Hospital at bandang alas-12:30 ng hapon ay in-airlift sa Camp Navarro General ngunit idineklarang dead on arrival ang isa habang inilipat naman sa Zamboanga City Medical Center ang isa pa para malapatan ng kaukulang lunas. (JESSE KABEL)
393 