PAHIWATIG

SA hindi inaasahang pagkakataon, ang pinakamalawak na social media platform na inaasahang magiging entablado ng tagisan ng mga politikong lalahok sa 2022 general elections, biglang gumuho.

Bunsod nito, sandaling nabahala ang industriya ng trolls. Anila, mukhang mapupurnada ang kabuhayan nila. Ayon naman sa mga mapanuri, ang pagbagsak ng domain name server (DNS) ay isang patunay na hindi na kinakaya ng web app ng Facebook ang pagbaha ng mga mapaminsalang kontekstong lubhang nakakaapekto sa mga gu­magamit nito.

Mayroon din namang nagsasabing posibleng ang panandaliang paghinto ng FB app ay ­maaaring paramdam ng napipintong censorship sa digital platform.

Ano pa man ang dahilan ng panandaliang paghinto ng operasyon nito, isa itong patunay na hindi ganoon katibay ang makabagong teknolohiya – kahit pa pinangangasiwaan ng mga dambuhala.

Sa puntong ito, napapaisip ang mga Pilipino – kung ang higanteng IT firm ng FB dumanas ng anim na oras na paghinto, ano pa kaya ang automated elections sa Pilipinas?

Nakasandig ang papalapit na Eleksyon 2022 sa web-based app ng Smartmatic – isang pribadong service provider na kinontrata ng Commission on Elections (Comelec) para sa pagsasagawa ng ­automated elections sa bansa.

Pero gaano nga ba tayo kasigurado sa Smartmatic? Kung babalikan ang kasaysayan ng nasabing kumpanya, hindi kagandahan ang rekord nila. Hindi na kailangan pang lumayo kung ang hanap ay batayan ng pagdududa.

Taong 2016, naranasan din ang katulad na pagbagsak ng server ng kontrobersyal na Smartmatic. Duda ng marami, sinadya ito sa hangaring manipulahin ang resulta ng bilangan, lalo pa’t may mga patunay na ng mga maniobra. Ang siste, nauwi lang din naman sa wala.

Nakapanungkulan ang mga mandaraya!

Ayon mismo sa Comelec, hindi kinaya ng Smartmatic ang bugso ng impormasyong pumasok sa DNS kung saan pinadadaan ang impormasyon kaugnay ng mga tala mula sa iba’t ibang presinto sa bansa. Pero hindi lahat sang-ayon sa paliwanag nila.

Sa pagsapit ng halalan, marami ang may alinlangan. Ang Smartmatic ba ay tunay na may kakayahan?

Ang sagot – oo naman pero ang hindi tiyak ay kung paano nito gagamitin ang kakayahan. Sa mabilisang pagbibilang ba o sa mabilisang areglo ng bilang?

Kaya naman ang nalalapit na halalan, higit na kailangang bantayan. Malay mo, ang seven-hour glitch noong 2016 election, mas maigsi na para nga naman hindi halata.

192

Related posts

Leave a Comment