MASUSING nagsasagawa ng imbestigasyon ang Quezon City Police District (QCPD) kaugnay sa pamamaril na ikinamatay ng isang dating pulis sa Brgy. Old Balara ng nasabing lungsod noong Sabado.
Ayon kay QCPD Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin, anim na hindi kilalang mga suspek na umano’y pawang naka-facemask at nakasakay sa motorsiklo ang bumaril sa dating pulis.
Ayon sa report, nangyari ang pamamaril dakong alas-6:45 ng gabi noong Enero 2, 2021 sa Commonwealth Avenue southbound sa Brgy. Old Balara.
Si Lea Ross, 42, residente ng Lavilla Compound, Brgy. Old Balara, at ang biktimang si Rodolfo Aspril, 60-anyos, Brgy. Ex-O ng Brgy. Old Balara at dating miyembro ng PNP, ay sakay ng motorsiklo nang barilin ng ilang beses ng mga suspek ang dating pulis na ikinamatay nito.
Agad namang humingi ng police assistance si Ross sa mga tauhan ng Police Community Precinct 1 (PCP 1) ng Batasan Police Station (PS-6), sa ilalim ng pamumuno ni P/Lt. Col. Romulus Gadaoni, na ipinagbigay-alam sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), sa ilalim ng pamumuno ni P/Major. Elmer Monsalve. para sa kaukulang imbestigasyon.
Sa pagberipika ng mga awtoridad, lumalabas na si Aspril ay may dating kaso na may kinalaman sa ilegal na droga. (JOEL O. AMONGO)
