PANGGIGIPIT SA ANTI-MARCOS MEDIA, VLOGGERS LALALA PA

PUNA ni JOEL O. AMONGO

MARAMI ang naniniwala na lalo pang lalala ang panggigipit sa anti-Marcos media at vloggers dahil sa pagkakatalaga ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kay Major General Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng Philippine National Police (PNP).

Nauna rito, ilan sa mga mamahayag at vloggers ang ipinatawag sa Mababang Kapulungan ng Kongreso matapos silang akusahan na sila ang nagpapalakat ng mga fake news.

Ayon sa kanila, sa kanilang paglalabas ng anti-Marcos issues ay sinasabihan silang mga gumagawa ng fake news.

Nais siguro ng kasalukuyang administrasyon na lahat ng ilalabas na isyu ng vloggers at media ay pabor kay PBBM, para hindi sila maibilang sa mga sinasabing gumagawa ng mga fake news.

“Pag hindi pabor sa administrasyon ay sasabihin nilang fake news ang ginagawa ng mga vlogger at media, pero kapag ang administrasyon ang naglalabas ng statement, kahit na mali ay hindi nila sinasabi na fake news ang ginawa nila, ano ‘yan one sided?” pahayag ng ilang vloggers.

Binanggit pa nila ang sinabi kamakailan ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na hindi raw kay dating pangulong Rodrigo Duterte gustong makipagkasundo ni Pangulong Bongbong Marcos, Jr.

Matatandaan na kamakailan, sa panayam ni Anthony Taberna ay tinanong niya si Pangulong Marcos kung bukas itong makipagkasundo sa mga Duterte na sinagot naman ni PBBM na, “Oo”, na bukas siya na makipagkasundo sa mga Duterte dahil marami na siyang kaaway at ayaw niya nang madagdagan pa ito.

Pagkatapos nito ay natanong ng media si Madam Claire kung anong masasabi niya na sinabi ni PBBM na bukas itong makipagkasundo sa mga Duterte, imbes na sang-ayunan nito ang sinabi ni Pangulong Marcos ay binaliktad niya ito, hindi raw sa mga Duterte gusto makipagkasundo ang pangulo kundi sa lahat ng mamamayan.

Paki-clear, Madam Claire kung tama ang sinasabi mo, pakipanood ulit ‘yung interview ni Anthony Taberna kay PBBM para malinawan mo kung tama ang sinasabi mo.

Ang hilig mo pa naman magsabi ng fake news, ngayon ikaw na ang masasabihan na isa ka sa nagpapakalat ng fake news sa inyong mga statement.

Pikon na pikon na kasi si Madam Claire sa katatanong sa kanya ng media kaugnay sa hair follicle test ni PBBM kaya mali-mali na ang kanyang mga sinasabi.

Dapat Madam, maging maingat ka dahil kung ano ang sinasabi mo ay ‘yun ang lumalabas na gustong iparating ni PBBM sa taumbayan sa pamamagitan ng media at vloggers, tapos ang sasabihin n’yong ang nagpapakalat ng fake news ay ang bumabatikos kay Pangulong Bongbong Marcos.

Hindi ba kayo nagtataka na sa kabila ng pagpuntirya niyo sa mga bumabatikos sa Marcos administration ay lalo pa itong dumarami?

Nagpapatunay lamang na maraming mga Pilipino ang hindi kuntento sa serbisyo ni PBBM at isa sa magpapatunay nito ay ang katatapos na 2025 midterm elections dahil marami sa kanyang senatoriables ay hindi nananalo.

Ang pagdami ng mga bumabatikos sa administrasyon ay sumasalamin na hindi maganda ang pamamalakad ni PBBM.

Inaasahan na lalo pang darami ang babatikos sa administrasyon ni PBBM matapos na italaga nito si Torre bilang bagong PNP chief, na siyang umaresto at nagpilit na ipadala si dating Pangulong Duterte sa Netherlands.

Na-PUNA rin natin na ang iba pang nasa likod ng pagpapadala kay dating Pangulong Duterte sa International Criminal Court (ICC), The Hugue, Netherlands, na sina Justice Secretary Crispin Boying Remulla, DILG Secretary Jonvic Remulla at Defense Secretary Gilbert Teodoro, ay hindi tinanggap ni PBBM ang pagbibitiw ng mga ito.

Gusto ni PBBM na makipagkasundo sa mga Duterte nang walang kondisyon pero ay iprinomote pa niya (Torre) ang humuli at nagpadala kay Duterte sa Netherlands, ano ‘yun panlalamang? Paano pa magtitiwala sa ‘yo ang taumbayan?

oOo

Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.

53

Related posts

Leave a Comment