TSUPER NA ‘DI SUSUNOD SA STUDENT FARE DISCOUNT PARURUSAHAN

AT YOUR SERVICE ni KA FRANCIS

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga driver ng pampublikong sasakyan na maaaring parusahan sila kung hindi nila susundin ang pagbibigay ng diskwento sa mga estudyante sa ilalim ng Republic Act 11314, o ang Act Institutionalizing the Grant of Student Fare Discount Privileges on Public Transportation and for other Purposes.

Ang paalala ay inilabas ng ahensya kaugnay ng nalalapit na muling pagbubukas ng klase, dahil marami sa mga pampublikong sasakyan ay binabalewala ang mga estudyante at hindi sinusunod ang iniuutos na student discount.

Batay sa RA 11314, ang mga pampasaherong jeepney, bus at iba pang uri ng pampublikong transportasyon ay dapat magkaloob ng 20 percent student discount sa regular na pasahe sa: “Filipino citizen na kasalukuyang enrolled sa alinmang authorized elementary, secondary, technical, vocational school at higher education.”

Hindi naman sakop ng diskwento ang mga naka-enroll sa post graduate (masters, doctoral) at mga impormal na maikling kurso katulad sa driving school.

Ayon pa sa LTFRB, ang pagbibigay ng naturang diskwento ay applicable sa lahat ng regular na mga estudyante na sumasakay sa mga pampublikong sasakyan, maliban lamang sa mga tourist shuttle school service na under contract ang pag-hire.

Nilinaw rin ng ahensya na maaaring i-avail ang diskwento sa buong panahon ng enrolment, kasama ang mga araw ng Sabado at Linggo kaya kung mag-mall ang isang estudyante ay entitled pa rin siya dahil hindi base sa destinasyon ang student discount.

Kapag may promo fare naman, nilinaw rin na choice ng estudyante kung ano ang ia-avail niya.

Ang driver na hindi susunod ay papatawan ng parusa at multa: 1st offense, suspension for 1 month ng lisensya; 2nd offense, 2 months suspension; at 3rd offense, 3 months suspensyon plus P1,000 fine per offense.

Papatawan din ng multa ang operator: 1st offense, P5,000; 2nd offense, P10,000 plus impound ng sasakyan for 30 days; at 3rd offense, P15,000 plus kanselasyon ng prangkisa.

Kailangan ding iprisinta ng estudyante ang kanyang school identification card o enrollment form at authenticated ID na patunay na siya ay enrolled. Kung sakaling naka-uniporme naman at halata namang estudyante, maaari pa ring hingiin ng tsuper na ipakita ang student ID para magbigay ng discount dahil dapat ay may ID tulad ng mga senior citizen na kahit sa hitsura pa lang ay walang duda na senior na ito.

Sinabi ng LTFRB na anomang reklamo ukol sa implementasyon ng student fare discount ay maaaring idulog sa kanilang tanggapan para matugunan at maaksyunan agad.

oOo

Kawawa naman ang isang lalaking biktima ng hit and run sa Baliwag, Bulacan dakong alas-9:30 ng gabi, noong nakaraang Mayo 31, 2025.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si McKimson Teston, 36-anyos, may asawa, helper, residente ng Gaya-Gaya, San Jose del Monte City, Bulacan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bulacan PNP, sa nasabing oras at petsa habang ang biktima ay tumutulong sa driver na si Alejandro Maceda sa may DRT Highway sa Bulacan, ay may dumaan na Mini-Pajero na kulay puti ngunit hindi naplakahan, na nakasagi kay Teston.

Dahil sa pangyayari ay dinala sa Baliwag District Hospital ngunit inilipat sa Bulacan Medical Center ang biktima kung saan siya idineklarang dead on arrival.

Sa nakapatay sa biktima, hindi ka patutulugin ng konsensya mo, mas makabubuti sa iyo na tumulong ka sa naperwisyo mo. Maaari kang tumawag sa: cell# 0955-423-1181, Pat. Bregando Saldivar, at cell# 0998-967-3192, PLt. Col. Jayson San Pedro.

oOo

Para sa inyong katanungan, maaari po kayong mag-text o tumawag sa cell# 0917-861-0106.

45

Related posts

Leave a Comment