INALERTO na ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang lahat ng yunit ng Coast Guard sa buong bansa para sa inaasahang dagsa ng mga biyahero sa mga pantalan ngayong Undas 2025.
Simula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 4, naka-heightened alert na ang lahat ng PCG districts, stations, at substation upang paigtingin ang monitoring, assistance at security operations sa mga ports at waterways sa bansa.
Ayon kay Gavan, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking ligtas, maayos at komportable ang biyahe ng mga mamamayang uuwi sa kani-kanilang probinsya.
Kasama ng PCG ang Department of Transportation (DOTr), Philippine Ports Authority (PPA), at Maritime Industry Authority (MARINA) sa pagpapatayo ng mga “Malasakit Help Desks” sa mga pangunahing pantalan, daungan, at transport hubs sa buong bansa.
Bukod dito, magpapakalat ng Coast Guard K9 units sa mga pantalan upang magsagawa ng inspection sa mga barko at bagahe ng mga biyahero bilang bahagi ng mas pinaigting na seguridad.
(JOCELYN DOMENDEN)
