KAILANGAN paigtingin at pabilisin ang pamamahagi ng bakuna sa bansa upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., dapat tanggalin ng pamahalaan ang red tape kaugnay ng pagbili ng bakuna upang mas mabilis itong makarating sa bansa. Mahalagang masiguro na patuloy ang pagdating ng supply upang hindi maantala ang pamamahagi nito.
Sa kasalukuyan, siyam na bakuna ang may pahintulot mula sa Food and Drugs Administration (FDA) na maipamahagi sa bansa kabilang dito ang Sinovac. Sa kasalukuyan, ito ang dominanteng bakuna sa Pilipinas. Mula sa datos noong ika-2 ng Setyembre, sa halos 53 milyong doses ng bakuna kontra COVID-19 na natanggap ng bansa, 28.5 milyon o higit sa kalahati ay Sinovac.
Sinovac ang kauna-unahang bakunang natanggap ng bansa noong Marso 2021. Bago pa man dumating sa Pilipinas, samu’t saring kontrobersiya na ang ibinabato sa bakunang ito. Bunsod nito, maraming Pilipino ang natakot magpabakuna nito. Upang mapawi ang takot dito, mismong si Philippine General Hospital Director Dr. Gerardo Legaspi ang nag-boluntaryong maging kauna-unahang Pilipino na tumanggap ng doses ng Sinovac sa bansa.
Batay sa mga trial sa Brazil, Indonesia, at Turkey, ang Sinovac ay may efficacy rate na 65 hanggang 91%. Hindi man kasing-taas ng efficacy rate ng ibang bakuna gaya ng Moderna at Pfizer, ito ay nananatiling epektibo kaya ito binigyan ng pahintulot ng FDA. Subalit dahil sa naglabasan na mga negatibong balita mula sa ibang bansa ukol sa bisa ng Sinovac ay muli na namang nabuhay ang duda ng ilan ukol dito.
Noong Hunyo, ang Chile ay nakaranas ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa kabila ng halos 60% na antas ng nabakunahan dito. Bilang resulta, muli na namang napag-usapan kung talagang epektibo nga ba ang mga bakuna mula sa China dahil ito ang dominanteng bakuna sa Chile.
Hindi naman tinanggap ng Costa Rica ang Sinovac dahil sa mababang efficacy rate nito. Ayon sa WHO, nasa 50.1% lamang ang naitalang efficacy rate ng Sinovac sa pagpigil ng sintomas ng COVID-19. Ang mga bakunang may higit sa 60% lamang ang efficacy rate ang tinatanggap ng Costa Rica.
Kaugnay ng pagsiguro sa bisa ng mga bakuna, ipinahayag naman ni Galvez na kasalukuyan silang nakikipag-usap sa apat na parmasyutikal na kompanya ukol sa pagbili ng booster shot. Ayon pa kay Galvez, P5 bilyon ang badyet na ilalaan ng Department of Budget and Management dito. Bagaman ayon sa WHO, ay hindi pa panahon upang pag-usapan ang ukol sa booster shot, mainam na nagiging maagap ang pamahalaan ukol dito.
Ako ay naniniwala na ang mga bakuna, ano man ang tatak, ay pare-parehong epektibo sa pagbibigay ng proteksyon laban sa virus. Hindi man nito matitiyak na hindi tatamaan ng COVID-19 ang indibidwal na kumpleto sa bakuna, maaasahan namang pahihinain nito ang sintomas. Kailangan ding mas maging agresibo ang ating programa upang mas marami ang maprotektahan kontra sa virus. Mahalaga ring siguruhin na nananatiling epektibo ang mga bakunang nauna nang natanggap ng mamamayan.
152 