(FERNAN JOSE ANGELES)
PAYAK at taimtim ang paglalarawan ng komiteng tagapangasiwa sa isasagawang panunumpa ni Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. bilang ika-17 Pangulo ng bansa sa National Museum pagsapit ng Hunyo 30.
Ayon kay Franz Imperial na tumatayong punong-abala sa paghahanda ng makasaysayang kaganapan, plantsado na ang bawat detalye ng mga programang kalakip ng nakatakdang inagurasyon ng susunod na Pangulo ng bansa.
“The program we have prepared is very solemn and simple. It would be very traditional dahil sabi nga ni BBM sa vlog niya – hindi kami lilihis pa sa tradisyon,” pahayag ni Imperial kaugnay ng inagurasyong hudyat ng pagsisimula ng bagyong yugto ng kasaysayan sa ilalim ng bagong Pangulo.
Sa ilalim ng 1987 Constitution, obligasyon ng mga bagong halal na Pangulo bago magsimula ang kanilang termino na isapubliko ang taimtim na panunumpa ng katapatan sa sambayanan pagsapit ng eksaktong alas 12:00 ng tanghali ng Hunyo 30.
Ani Imperial, bubuksan ang programa ng inagurasyong nakatakdang ganapin sa Museong Pambansa sa pag-awit ng tanyag na actress-singer na si Toni Gonzaga ng Lupang Hinirang. Kasunod naman ang panalangin.
Nakalatag na rin aniya ang pagmamartsa ng mga militar, na susundan ng pag-awit ni Cris Villonco – kasama ang kabataang bahagi ng Young Voices of the Philippines choir – ng “Pilipinas Kong Mahal” na napiling opisyal na “inaugural song.”
Pangangasiwaan naman ni Supreme Court Chief Justice Alexander Gesmundo ang panunumpa ni Marcos Jr. bilang ng ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
Bagamat wala pang inilalabas na sipi sa ibabahaging talumpati ni Marcos Jr., tiniyak naman ni Imperial na hindi gagamit ng kodigo ang susunod na Pangulo sa kanyang inaugural speech.
Base sa tradisyon, magkakaroon muna ng meeting sa Malakanyang sina outgoing President Rodrigo Duterte at President-elect Marcos bago magtungo sa National Museum para sa kanyang inagurasyon.
Pagkatapos ng inagurasyon, babasahin ng Senate president ang joint resolution ng joint congressional Board of Canvassers para sa pormal na proklamasyon ng bagong halal na presidente at bise presidente ng bansa.
Gaya ng isinasaad sa Konstitusyon, eksakto alas dose ng tanghali ang oath of office ni Marcos.
Susundan ito ng 21-gun salute bago magbigay ng inaugural address si Marcos.
Pagkatapos nito, babalik siya sa Malakanyang para sa induction ng mga bagong miyembro ng gabinete.
Agad itong susundan ng unang Cabinet meeting ni Marcos.
Sa gabi naman, ay magkakaroon ng inaugural reception si Marcos para sa mga bagong opisyal at foreign dignitaries.
