Para buhayin ekonomiya ng Maynila P1.76-B AYUDA INILABAS NI ISKO

INANUNSYO ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso nitong Lunes ng umaga, Marso 16, ang pagpapalabas ng P1.76 bilyon na tulong pinansyal, insentibo at bahagi ng kita upang pasiglahin ang lokal na ekonomiya habang tumataas ang presyo ng langis sa buong mundo dahil sa nagpapatuloy na armadong sigalot sa Middle East.

Ayon kay Domagoso, ang pondong nagmula sa General Fund at Trust Fund ng lungsod ay inilalabas upang agad na umikot ang pera sa ekonomiya sa pamamagitan ng mas mabilis na pamamahagi ng ayuda sa mga residente, estudyante, empleyado ng pamahalaan, at mga barangay sa Maynila.

“Simula ngayong araw, maglalabas tayo ng pondo upang pasiglahin, palakasin at bahagyang maibsan ang sitwasyon sa Lungsod ng Maynila na aabot sa P1.7 bilyon. Mga obligasyon ito na darating pa sa mga susunod na linggo, nguni’t mas mainam na ilabas na ito nang mas maaga upang kahit papaano, hawak na ng tao at ng mga barangay ang pera,” pahayag ni Mayor Isko.

Sinabi pa ni Domagoso na mahigit 330,000 Manileño, o halos 15% ng populasyon ng lungsod, ang direktang makikinabang sa ayuda, karamihan mga ulo ng pamilya, na inaasahang magpapalaganap ng paggastos sa komunidad.

Sa kabuuang pondo, P594.76 milyon mula sa General Fund habang P1.165 bilyon naman magmumula sa Trust Fund, na may kabuuang P1,760,163,485.42 na stimulus package.

Binigyang-diin ng alkalde na mahalaga ang agarang aksyon sa panahon ng krisis.

“Sa krisis, napakahalaga ng oras. Ang maagap at tamang aksyon ang susi sa pagharap sa ganitong sitwasyon,” aniya.

Dagdag pa niya, kapag tumaas ang kakayahang bumili o purchasing power ng mamamayan, makikinabang ang mga negosyo, mapoprotektahan ang mga trabaho, at patuloy na iikot ang ekonomiya, na tinatawag na “velocity of money effect.”

Malaking bahagi ng pondo mapupunta sa Social Amelioration Program ng lungsod na maglalabas ng P427,849,000 na allowance para sa 287,095 benepisyaryo mula Enero hanggang Marso 2026.

Kabilang dito ang:
• P310,157,500 para sa mga senior citizen
• P25,658,500 para sa solo parents
• P75,978,000 para sa mga adult persons with disabilities (PWDs)
• P16,055,000 para sa mga minor PWD

Maglalabas din ang lungsod ng P51,129,000 na tulong pang-edukasyon para sa 17,043 estudyante ng dalawang pampublikong unibersidad sa Maynila.
Sa halagang ito:
• P27,522,000 ang mapupunta sa mga estudyante ng Universidad de Manila
• P23,607,000 naman sa mga mag-aaral ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila

May nakalaan ding P103,289,834.45 na tulong para sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan na naglilingkod sa lungsod para sa 16,425 benepisyaryo.
Kabilang dito ang:
• P68,053,214.45 insentibo para sa mga guro ng pampublikong paaralan sa Schools Division Office–Manila
• P32,169,120 para sa mga tauhan ng Manila Police District
• P3,067,500 para sa mga miyembro ng Bureau of Jail Management and Penology

May karagdagang P12,494,376 para sa iba pang programa ng tulong, kabilang ang P9,678,000 para sa senior high school students sa ilalim ng Schools Division of Manila at P2,816,376 para sa Bureau of Fire Protection.

Mula naman sa Trust Fund, ipamamahagi ng lungsod ang P1,094,082,181.12 bilang bahagi ng kita ng mga barangay, kabilang ang P25,411,000 mula sa barangay clearance collections at P1,068,671,181.12 mula sa bahagi ng Real Property Tax ng 896 barangay ng Maynila.

Samantala, P71,319,093.85 mula sa PhilHealth professional fee sharing ang ipamamahagi sa 6,495 healthcare workers ng mga ospital ng lungsod at ng Manila Health Department, kabilang ang mga tauhan ng Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, Jose Abad Santos General Hospital, Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Maynila, at Ospital ng Tondo. (BP)

71

Related posts

Leave a Comment