UMAASA si Senate President Vicente Sotto III na sa oras na makita ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyon ng Senate Committee of the Whole ay mababago ang pananaw nito na hindi dapat kasuhan si Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III sa anomalya sa PhilHealth.
Ito ang sinabi ni Sotto sa kabila ng patuloy na pagtitiwala ni Pangulong Duterte kay Duque.
“Ang ine-expect ko ay pag nakita ng Pangulo ‘yung mga punto namin, magbabago ang pananaw ng Pangulo.
Maaaring nagtitiwala pa rin siya pero merong mga bagay na dapat mong harapin na labag sa batas,” sabi ni Sotto.
Inihalimbawa nito ang kaso ni dating PhilHealth president Ricardo Morales na malaki ang tiwala ng Pangulo subalit tinanggal din sa huli.
Kumpiyansa aniya ito sa ginawang pag-aaral ng mga senador sa mga ebidensiyang naungkat nito laban sa mga opisyales ng PhilHealth na sangkot sa katiwalian sa pondo ng ahensya.
“Masusi ‘yung pag-aaral namin doon, ‘yung mga findings namin, masusi ‘yun, mabusisi talaga ‘yun.
At saka hindi ‘yun kung sinu-sino lang or kami-kami lang, basta-basta nag-imbestiga,” ayon sa lider ng Senado. (NOEL ABUEL)
89