Para magpaputok sa Ayungin Shoal PINAS INUUROT NG CHINA

PLANO ng China na kumagat ang mga tauhan ng Philippine Navy sa kanilang bitag at mapilitan ang mga sundalo na unang magpaputok upang sa huli ay masisi sakaling mauwi ang tensyon sa West Philippine Sea sa shooting war kasunod ng nangyaring kaguluhan sa pinakahuling rotation and resupply mission sa may Ayungin Shoal nitong Lunes.

Ayon kay Commodore Roy Vincent Trinidad, Philippine Navy spokesperson on West Philippine Sea, may mga nakaalalay na missile boat ang China subalit hindi nila ginagamit.

“Because this should never get into a shooting war but they would like to push us to fire the first shot, yun ang labanan dyan. You should understand Chinese thought papatol tayo sa maling paraan,” ani Trinidad.

Paglilinaw ng Philippine Navy, ang kanilang aksyon ay laging nakabase sa rules of engagement.

Sinabi ni Trinidad na kahit kaunti ang tropa ng Pinas ay lumaban ang mga ito nang mano-mano kontra sa mga tauhan ng China Coast Guard na nagtulung-tulong sakay ng kanilang sea vessels para agawin at sirain ang mga gamit ng mga sundalo nitong Lunes.

Ayon kay AFP chief General Romeo Brawner Jr. sa isang press conference sa pagbisita niya sa Puerto Princesa, Palawan na lumaban ang mga tauhan ng Philippine Navy gamit lamang ang kanilang kamay laban sa China Coast Guard personnel na armado ng bolo nang harangin, banggain at sampahin na parang mga pirata ang maliit na bangka ng Pilipinas.

Hindi umano nagpasindak ang mga tauhan ng Phil. Navy, sa kabila ng presensiya ng mga armas sa loob ng resupply boat, hindi ginamit ang mga ito dahil iniiwasang magkaroon ng giyera. Sa halip ay itinulak ng mga Navy personnel ang rigid hull inflatable boats ng China Coast Guard para mapigilang banggain ng mga ito ang PH boats. (JESSE KABEL RUIZ)

171

Related posts

Leave a Comment