Pumirma sa isang Memorandum of Agreement ang Bureau of Customs (BOC) – Port of Davao’s Sub-port sa Dadiangas para sa karagdagang pagpapalawak, pagprotekta at pagkonserba ng likas na yaman sa lalawigan ng SOCCSKSARGEN Region.
Kasama sa lumagda sa MOA ang iba pang ahensya ng pamahalaan na pangunahing kinabibilangan ng Department of Environment and Natural Resources at mga local government units o LGU’s.
Nanguna sa aktibidad si Subport of Dadiangas Collector Orlando Orlino na tiniyak na ipapatupad ng BOC ang lahat ng mga batas na may kaugnayan sa environmental laws sa paraang palakasin ang kanilang pagbabantay na makapasok at makalabas ng bansa ang lahat ng uri ng mga itinuturing na likas na yaman ng bansa.
Nagkaisa ang lahat ng mga government agencies na magsasama-sama sila na magkaroon ng isang committed at multi-sectoral enforcement group na titingin sa environment and natural resources management upang mabantayan ang anumang pang-aabuso at pagkasira sa kalikasan at kapaligiran.
Umaasa sila na magiging matagumpay ang kanilang layunin na maprotektahan ang lahat ng likas na yaman sa SOCCSKSARGEN laban sa mga sumasalaula nito.
(Joel O. Amongo)
