PAROJINOG NATAGPUANG PATAY SA SELDA

KINUMPIRMA ng Philippine National Police (PNP) ang pagkamatay ni Ozamiz City Councilor Ricardo “Ardot” Parojinog matapos na ilipat ng kulungan mula sa Metro Manila.

Ayon sa ulat na isinumite ng Ozamis City Police sa PNP headquarters sa Camp Crame, si Parojinog ay natagpuang patay sa loob ng kanyang selda sa Ozamiz Police Station sa Ozamiz City, Misamis Occidental bandang alas-6:00 nitong Biyernes ng umaga.

Agad na ipinag-utos ni PNP chief, Gen. Camilo Cascolan ang imbestigasyon upang mabatid ang dahilan ng pagkamatay ng kontrobersyal na drug suspect na sinasabing nasa likod ng organized illegal drug syndicate sa loob ng kanyang selda Inatasan ni Cascolan si Police Regional Office-10, P/Brigadier General Rolando Anduyan na agad ding isailalim sa restrictive custody ang Ozamiz City Police chief at lahat ng pang-gabing pulis na naka-duty sa police station.

Ito ay matapos kumpirmahin ni Police Regional Office-10 spokesperson, Lt. Col. Mardi Hortillosa ang pagkamatay ni Parojinog habang nasa kustodiya ng local police.

Ayon kay Hortillosa, hindi pa sila makapagbigay ng karagdagang pahayag hangga’t wala pang official findings ang mga imbestigador kung paano namatay si Parojinog.

Nabatid na kararating lamang ni Parohinog noong Huwebes sa Ozamiz  City mula sa pagkakakulong sa Metro Manila.

Si Ardot ay kapatid ni Ozamiz City Mayor Reynaldo “Aldong” Parojinog Sr. na napatay kasama ng 14 iba pa sa anti-drug operation noong 2017.

Si Ardot ay nakatakas sa nasabing operasyon na isinagawa ni dating Ozamiz City police station commander, Lt. Col. Jovie Espenido alinsunod sa ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hulyo 30, 2017 makaraang lumitaw na kasama ito sa drug matrix ng punong ehekutibo.

Si Ardot na nahaharap sa patong-patong na kasong kriminal ay nagtago sa Taiwan kung saan siya nahuli ng Taiwanese authorities sa kasong overstaying at pagiging illegal alien noong Mayo 2019.

Kontrobersyal ang pamilya Parojinog sa Ozamiz dahil sa hinalang sila ang nasa likod ng Kuratong Baleleng gang at responsable sa daring broad daylight bank robberies, high profile criminal cases gaya ng illegal drug trade at gun for hire activities sa iba’t ibang bahagi ng bansa. (JESSE KABEL)

104

Related posts

Leave a Comment