DINAMPOT ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group (AVSEGROUP) ang dalawang pasahero matapos mahulihan ng .38 at .22 kalibre ng baril habang pasakay sa kanilang flight sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 4 papuntang Cagayan De Oro at Bacolod.
Ayon sa report, bukod sa mga baril, nakuha rin sa mga ito ang 50 pirasong live ammunition na itinago sa loob ng underwear upang makalusot sa mga awtoridad.
Nadiskubre ang mga baril pagdaan sa X-ray baggage security screening officer ng Office of the Transportation Security sa NAIA Terminal 4, at nakita ang kakaibang imahe na hinihinalang prohibited item.
Samantala, nabigong kumbinsihin ng Amerikanong galing Doha, Qatar ang airport authorities na hindi sa kanya ang nasabat na ilegal na droga noong Martes ng gabi na nagresulta sa pag-aresto sa kanya.
Nasabat sa suspek na si Stephen Joseph Szuhar ang 3.7 kilo ng cocaine na P19.6 milyon ang halaga, pagdating niya sa Ninoy Aquino International Airport sa Pasay City makaraang ikasa ng mga operatiba ng Bureau Of Customs, NAIA at Philippine Drugs Enforcement Agency, ang operasyon mula sa tip ng reliable informant.
Dumating ang suspek mula Doha, Qatar via Qatar Airways QR 932 galing Brazil bilang ‘port of origin’.
Idinaan ng nag-aabang na mga operatiba ang maleta ni Szuhar sa K9, x-ray at 100% masusing physical examination na nagresulta sa kumpirmadong pagkakatuklas sa 3.7 kilo ng cocaine na may estimated value na P19,610,000. (FROILAN MORALLOS/DAVE MEDINA)
