TUMATAGINTING na P118-bilyong ganansya ang pasok sa banga ng bangkaroteng gobyerno sa bisa ng Fuel Marking Program ng Bureau of Customs (BOC) para sa unang anim na buwan pa lamang ng kasalukuyang taon.
Sa isang kalatas ng kawanihan, umabot din sa siyam na bilyong litro ng mga produktong petrolyo sa merkado ang sinuri ng mga kawani ng BOC bilang tugon sa direktibang kalakip sa probisyong nakasaad sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na sadyang binalangkas bilang panabla sa malawakang fuel smuggling sa bansa.
Sa ilalim ng Fuel Marking Program, gumagamit ang kawanihan ng katangi-tanging
tintang magsisilbing patunay na binayaran ng mga kumpanya ng langis ang karampatang taripa at buwis na kalakip ng kanilang inaangkat sa produktong petrolyo.
Sa datos ng ahensya, umabot na rin sa 43.65 bilyong litro ng gasolina, krudo at kerosene ang kanilang sinuri mula nang umpisahan ang naturang programa buwan ng Setyembre taong 2019.
Sa naturang dami ng sinuring langis, 60% ay krudo, 38.9% naman ang gasolina
at 0.51% naman para sa kerosene na karaniwang gamit sa pagluluto.
Pinakamarami ang sinuri sa Luzon na may 73.88%, na sinundan ng Mindanao para sa 20.66% share ng marked fuel at 5.47% naman sa mga lalawigang sakop ng Visayas.
Kumpiskado rin sa pagpapatupad ng Fuel Marking Program ng kawanihan ang 111,157.80 litro ng krudo, 3,311 litro ng kerosene at 18,839 litro ng gasolina bukod pa sa dalawang tank trucks na ginamit sa pagbibiyahe ng langis na nagkakahalaga naman ng P14.4 milyon.
Ipinasara din ng BOC ang 16 na gasoline pumping stations, kalakip ang rekomendasyong nagsusulong ng pagsasampa ng kasong kriminal laban sa apat na oil companies. (JOEL AMONGO)
