‘PASTILLAS GANG’, MAY ‘POINTMAN’ SA OMBUDSMAN

SA lahat ng nabunyag na korapsyon sa mga ahensiya ng pamahalaan na inimbestigahan sa Senado ay kakaiba ang naganap sa Bureau of Immigration (BI).

Dinaig ng pangkat ng mga korap ang dating grupo ng mga korap sa Bureau of Customs (BOC) noong panahon ni Nicanor Faeldon.

Tinalo rin ng pangkat ng mga korap sa BI ang mga taga-Bureau of Corrections (BuCor).

Wala ring panama ang mga beteranong korap sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa “Pastillas Gang” ng BI.

Ang “Pastillas Gang” ay ang pangkat ng Immigration Officers na nakadestino sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na ­nabunyag sa imbestigasyon sa isang komite sa Senado na ‘­nangigikil’ ng P5,000 pataas sa mga Intsik na dumarating sa bansa na dumaraan sa NAIA.

Batay sa imbestigasyon, Pastillas ang itinawag sa grupo dahil ang P5,000 na inaabot sa Immigration Officers ay nakabalot sa maliit na papel kapareho ng pastillas.

Nagbibigay ang mga Intsik ng libu-libong pera upang makapasok sa ating bansa kahit kulang ang mga kinakailangang dokumento, o literal na walang papeles.

Kumikita nang husto ang Pastillas Gang sa diskarteng ito dahil napakaraming pumapasok na mga Intsik sa NAIA araw-araw.

Marami nang nakasuhan sa mga Immigration Officers, ngunit ang mga ito ay pawang mga empleyado lang ng BI.

Hindi nakasuhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga matataas na opisyal ng BI na kasama sa Pastillas Gang.

Ang dahilan pala ay mayroong ‘pointman’ o ‘kontak na tao’ ang Pastillas Gang sa NBI.

Ang matindi rito, ang pointman ng Pastillas Gang sa NBI ay opisyal dito na mismong mayroong hawak sa mga kaso ng mga taga-BI.

Pokaragat na ‘yan!

Ang higit na matindi sa Pastillas Gang ay mayroon pala itong pointman sa Office of the Ombudsman.

Ibinunyag ito ni Immigration Officer II Jeffrey Dale Ignacio sa pagdinig sa Senado nitong Oktubre 6.

Ayon kay Ignacio, si dating BI deputy commissioner Marc Red Mariñas ang isa sa mga boss ng Pastillas Gang.

Wala si Mariñas sa nasabing pagdinig.

Kaya, hindi siya natanong.

Ngunit, dati na niyang idiniin na hindi siya sangkot, o wala siyang nalalaman, sa operasyon ng Pastillas Gang sa NAIA.

Una kong narinig ang pangalan ni Mariñas nang magbitiw ito mula sa BI ilang buwan bago ­maghalalan nitong 2019.

Siya ay tumakbo sa pagkaalkalde ng Lungsod ng Muntinlupa.

Natalo siya ni Mayor Jaime Fresnedi.

Kung totoo ang isiniwalat ni Ignacio na si Mariñas ang nagsabi sa kanya na mayroong pointman ang Pastillas Gang sa Office of the Ombudsman, marahil hindi ­paninirang puri na sabihin kong kakaiba at matindi ang Pastillas Gang.

Walang ibang kahulugan ang ibinunyag ni Ignacio kundi mayroong protektor, o tagasalo, mula sa Office of the Ombudsman sa mga kasong isasampa ng NBI laban sa mga pinuno at kasapi ng

nasabing sindikato.

Tiyak, napakalaki ng kinikita ng Pastillas Gang dahil mayroon itong badyet sa opisyal ng NBI at sa pointman sa Office of the Ombudsman.

Siraulo ba ang pointman na ‘yan kung hindi siya kikita mula sa Pastillas Gang?

Siyempre, hindi!

Narito papasok ang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga opisyal at kawani ng BI, partikular ang mga sasampahan ng mga kasong katiwalian at korapsyon ang mga pasok sa Pastillas Gang.

Narito ang papel ng SALN.

Ang problema ngayon ay pinaliit ni Ombudsman Samuel Martires ang layunin ng SALN.

Dahil tinanggalan ni Martines ang itinakda at ipinag-utos ng batas hinggil sa natatanging papel at layunin ng SALN na maging instrumento at batayan sa ­imbestigasyon laban sa mga ­opisyal at kawani ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na sinampahan ng kasong malbersasyon ng pondo, katiwalian at korapsyon, kabilang ang mga nagtatrabaho sa BI at NBI, pihadong mababawasan ang paraan ng ­Office of the Ombudsman sa isasagawa nitong ­imbestigasyon upang malaman kung gaano karami at kalawak ang yamang kinita ng mga pinuno at kasapi ng Pastillas Gang.

Pinahina na nga ni Ombudsman Martires ang SALN, tapos mayroon pang pointman ang Pastillas Gang sa Office of the Ombudsman.

Pokaragat na ‘yan!

134

Related posts

Leave a Comment