PATIGASAN NG MUKHA

KUNG may mga pumapalpak na miyembro ng Gabinete sa Pilipinas, meron namang lider ng ibang bansa ang nagre-resign dahil hindi nila nagampanan ang trabaho na inaasahan sa kanila ng kanilang mamamayan.

Isang halimbawa rito ang Prime Minister ng Malaysia na Muhyiddin Yassin na nag-resign sa pinakamataas na ­puwesto sa gobyerno dahil hindi niya natugunan nang maayos ang problema sa COVID-19 pandemic sa kanilang bansa.

Hindi lang ang mga ordinaryong Malaysian ang dismayado sa kanya kundi maging ang kanyang mga kasamahan sa parliament ang nawalan ng tiwala sa kanya kaya nag-resign siya.

Marami tuloy naiinggit na Pinoy sa mga Malaysian dahil kahit papaano ay may delicadeza pa ang kanilang mga lider na kapag alam nilang wala nang tiwala sa kanila ang mamamayan ay nagre-resign na lamang.

Dito sa atin, patigasan ng mukha. Ang dami nang blunder sa paghawak ng problema ay nananatili pa rin sila sa puwesto at laging sinasabi sa atin na ‘They serve at the pleasure of the president”.

Ibig sabihin, magre-resign lang sila kapag sinabi ng Pangulo na mag-resign sila pero hangga’t hindi sila sinasabihan ng kanilang pangulo na mag-resign na lang, para silang tukong nakakapit sa puwesto.

Dapat baguhin ang “I serve at the pleasure of the President” dahil kahit may tiwala sa ‘yo ang pangulo kung palpak naman ang trabaho mo, ang maaapektuhan ay ang buong bansa.

Dapat isipin ng appointees na kaya sila inilagay sa puwesto ay hindi para pagsilbihan ang Pangulo kundi pagsilbihan ang sambayanang Filipino na nagpapasuweldo sa kanila.

Ano mang ­pagkakamaling nagawa nila, ang buong ­bayan ang maaapektuhan kaya dapat isipin ng mga ito ang kapakanan ng mamamayan at hindi ang tiwala lang sa kanila ng pangulo.

Pero walang nangyayaring ganyan sa appointees sa gobyerno dahil kapag nasa puwesto na ayaw nang ­bumaba kahit anong kabalbalan ang nagawa nila. Kahit sila pa ang dahilan ng pagkagutom, pagkakasakit at kamatayan ng mga Filipino.

Napapahiya na sila sa publiko at siguradong nada­damay na ang kanilang pamilya sa kahihiyan pero wa epek pa rin sa kanila dahil nakakapit pa rin sila sa kanilang upuan.

Karamihan sa ating mga lider ay parang wala nang halaga sa kanila ang kanilang dangal…dangal ng kanilang pamilya, ng kanilang angkan at dangal ng kanilang mga anak.

Pagdududahan mo talaga sila kung bakit isinusugal nila ang kanilang dangal kapalit ng pananatili sa puwesto. Anong meron sa kanilang puwesto na ayaw nilang bitawan bukod sa kapangyarihan?

‘Di ba sa Japan, kapag nawala na ang dangal ng mga Hapon ay naghaharakiri sila upang isalba ang reputasyon ng kanilang pamilya? At kung nagkamali ang isang lider nila, magre-resign sila para hindi lumala ang problemang dulot ng kanilang kapalpakan?

Marami nang Gabinete ang pumalpak pero ayaw pa rin nilang mag-resign kaya huwag na tayong magtaka kung patuloy na pumapalpak ang gobyerno sa pagtugon sa mga problema lalo na sa COVID-19.

Si dating Japan Prime Minister Abe, nag-resign ­dahil sa usapin ng kalusugan. Ayaw raw niyang ­maapektuhan ang takbo ng gobyerno sa ­kanyang health condition pero dito sa atin, alam nating may sakit na ang mga lider, wala pang nagre-resign.

Pero hindi ako nawawalan ng pag-asa na darating din ang araw na ang mga ­Filipino na nabigyan ng ­tsansang magsilbi sa bayan ay ang bayan ang uunahin nila at hindi interest ng kanilang ­appointing officer. Sana!

212

Related posts

Leave a Comment