INAKUSAHAN ng dalawang barangay captain na nagsampa ng disqualification case laban kay Aklan 2nd District Rep. Teodorico Haresco na ginagamit nito ang kanyang bahay para sa “vote buying” na itinatago bilang “payout”.
Ayon kina Henry Olid at Shirly Lagradante, kapitan ng Barangay Tibiawan at Poblacion, nakatanggap sila ng impormasyon na ginagawa sa mismong bahay ni Haresco ang pamimigay ng pera na sinasabing ayuda.
Ayon kay Lagradante, nagpapapunta ng mga taga-Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa bahay ni Haresco.
“Ganito rin ang nangyari noong nabisto namin ang ginagawa nilang pamimili ng boto sa Barangay Tibiawan.
May mga kasama rin silang taga-DSWD para palusot na payout ng financial assistance ang ginagawa at hindi vote buying,” ani Olid.
Sa kanilang petition for disqualification laban kay Haresco, sinabi nina Olid at Lagradante na personal nilang nakita ang staff ng kongresista na si Shiela Puod at kanyang asawang si Barangay Kagawad Ronilo Puod sa kanilang bahay na nagpapamigay ng pera kapalit ng boto para kay Haresco.
Nakita rin nila sa bahay ang dalawang DSWD-Region VI contract of service worker na kinilalang sina Rhea Latumbo and Pinky Bunda.
Tatlong iba pang testigo ang nagsumite ng kani-kanilang sinumpaang salaysay na nagpapatibay sa pahayag ng mga complainant.
Ayon sa kanila, tig-₱2,000 ang ibinigay ng mag-asawang Puod sa mga residente kapalit ng pangakong suporta sa kandidatura ni Haresco.
“The payout was clearly done with the objective of influencing the outcome of the May 2025 elections. The witnesses attested that the recipients were identified based on their expected support for Respondent Haresco,” sabi pa ng petisyon. Bukod sa mga affidavit, kalakip rin sa reklamo ang mga larawan at video ng insidente ng umano’y pamimili ng boto.
