TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi pababayaan ang transport sector sa gitna ng tumataas na presyo ng langis, kasabay ng nakatakdang nationwide fuel subsidy rollout sa Abril 6.
Sa vlog na inilabas noong Linggo, Marso 22, sinabi ng Pangulo na inilabas na ang pondo para sa fuel subsidy ng Department of Transportation bilang tugon sa epekto ng oil price hike dulot ng tensyon sa Gitnang Silangan.
“Naiintindihan natin ang sigaw ng mga nagpoprotesta na kababayan nating nasa sektor na ito. Pero gusto kong ulitin sa inyo — hindi kayo maiiwanan. Hindi kayo pababayaan ng pamahalaan,” ani Marcos.
Ayon sa Pangulo, tinatayang 140,000 tricycle drivers ang makikinabang sa naturang tulong.
Binanggit din niya ang iba pang hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang epekto ng mataas na presyo ng langis, kabilang ang Libreng Sakay at fare discounts sa MRT-3 at LRT-2.
Dagdag pa niya, patuloy ang pagpapalabas ng pondo para sa cash relief at iba pang subsidiya sa iba’t ibang ahensya.
Makatatanggap din ng fuel subsidy ang mga magsasaka at mangingisda.
Tiniyak din ng Pangulo na nananatiling matatag ang presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin, at patuloy ang koordinasyon ng pamahalaan sa manufacturers sa gitna ng kasalukuyang sitwasyon.
Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang gobyerno sa power generation companies upang mapalakas ang kapasidad ng power grid sa susunod na 60 araw.
Ayon sa Pangulo, may 23 power projects na may kabuuang 900 megawatts capacity ang inaasahang makatutulong sa suplay ng kuryente, habang patuloy rin ang paggamit ng Malampaya natural gas facility sa full capacity.
(CHRISTIAN DALE)
49 