PEDIATRIC VACCINATION SA NAVOTAS, LARGA NA

SINIMULAN na sa Navotas City ang pediatric vaccination para sa mga may comorbidities nitong Biyernes, Oktubre 22.

Kaugnay nito, patuloy sa panghihikayat si Mayor Toby Tiangco sa lahat ng mga magulang na may mga anak na 12-17 ang edad na may comorbidity na irehistro na sila sa https://tinyurl.com/NavoBakuna-minors.

Sa kasalukuyan ay tanging Pfizer at Moderna vaccines lamang ang pinapayagan para sa mga kabilang sa nasabing pangkat.

Dahil naman sa magandang balita na magsisimula na ang bakunahan ng 12 hanggang 17 taon gulang, ay posible na ang limited face-to-face classes kaya naman binisita ng alkalde ang Dagat-dagatan Elementary School.

Aniya, bumaba na ang mga kaso ng COVID sa Navotas kaya naghahanda na ang mga paaralan para sa posibilidad ng pagkakaroon ng face-to-face classes.

“Paalala po na wala pang guidelines para rito. Naghahanda lang po tayo. Alam po nating malaking hamon sa ating mga mag-aaral, guro at mga magulang ang kasalukuyan nilang set-up, kaya po napakaimportante ang tuloy-tuloy nang bumaba ang mga kaso at dumami pa ang mga nagpapabakuna para unti-unti na tayong makabalik sa ating mga nakagawian,” giit ni Tiangco.

Pinuntahan din ni Tiangco ang ibang mga pasilidad ng lungsod tulad ng Pescador Park Extension, at Navotas RT PCR Laboratory para sa unti-unting paghahanda ng lungsod sa muling pagbubukas nito sa harap ng pababang bilang ng mga kaso ng COVID-19. (ALAIN AJERO)

149

Related posts

Leave a Comment