PUNA Ni JOEL AMONGO
NAGKAISA ang mga miyembro at opisyales ng North Grove Residences Homeowners Association, Inc. na ireklamo ang Pampanga Electric Cooperative Incorporated (PELCO III) dahil sa biglang pagtaas ng 40% ng kanilang bills sa kuryente sa nakalipas na tatlong buwan ng taong kasalukuyan.
Sa sulat ng North Grove Residences Homeowners Association kay Mr. Rich Bravo, director ng PELCO III San Simon, Pampanga noong Agosto 27, 2022 na pinirmahan nina Eduardo Muhi, HOA president; Rizalde Clarin, HOA vice president, at Michelle Agatep, HOA secretary, inireklamo nila ang biglaang pagtaas ng kani-kanilang bills sa kuryente.
Personal na nagtungo ang PUNA sa Brgy. Sta. Monica, San Simon, Pampanga matapos imbitahan tayo ng mga opisyales at miyembro ng North Grove Residences Homeowners Association, Inc. na nakatira sa North Grove Subdivision.
Sa panayam ng PUNA kay Ginoong Muhi, presidente ng samahan, partikular na tinukoy niya ang pagtataas ng kanilang bill sa kuryente mula P11.33/kwh noong Mayo 2022 hanggang P15.95/kwh noong Agosto 2022.
Aniya, umabot ng 40% ang kanilang electricity rates na labis na nagpapahirap sa kanilang mga residente sa North Grove Subdivision.
Kinuwestiyon din nila ang meter readers na mga tauhan ng PELCO III na base sa nakausap ni Ginoong Muhi na nagbabasa ng kanilang mga metro, kapag hindi nababasa ang mga numero sa mga metro dahil mataas ang kinalalagyan ay pinagbabasehan na lamang nito ang nakaraang reading at saka dinadagdagan na lang ng bilang para ‘yun na ang pagbasehan ng kanilang paggawa ng bills ng kuryente ng kanilang mga kustomer.
Kaya imbes na bumaba ang konsumo sa kuryente ng mga residente dahil sa kanilang pagtitipid ay lalo pang tumataas ang kanilang binabayaran.
Hiniling na rin nila kay Ginoong Bravo sa pamamagitan ng sulat noong Agosto 27, 2022 na ibaba ang kani-kanilang metro para maikumpara nila kung tama ang reading ng mga tauhan ng PELCO sa kanilang mga metro.
Nagrereklamo rin ang ilang residente ng North Grove Subdivision na ang kanilang mga metro ay hindi na nababasa ang mga numero dahil sa kalumaan ng mga ito, kaya paano anila nababasa ng readers ng kumpanya ang kanilang mga metro?
Kaya malakas ang paniniwala ng mga residente na ang mga nakalagay sa kani-kanilang bills sa kuryente ay hindi nakabase sa kanilang totoong nakunsumo.
Maraming beses na nilang ipinarating ang kanilang reklamo sa PELCO San Simon, subalit nananatiling wala pa ring kongkretong kasagutan ang electric company.
Kinuwestiyon din ng mga residente kung ang ginawang pagtataas ng singil ng kuryente ng PELCO III sa kanilang mga kustomer mula P11.33/kwh noong Mayo hanggang P15.95/kwh ay inaprubahan ba ng Energy Regulatory Commission (ERC) at National Electrification Administration (NEA).
Paging sa ERC at NEA, sana mga bossing, aksyunan nyo ang hinaing mga residente partikular ang Brgy. Sta. Monica, San Simon.
Napag-alaman din ng PUNA na halos lahat ng nasasakupan ng PELCO III ay nagrereklamo rin sa biglang pagtataas ng kani-kanilang bayarin sa kuryente.
Noong nakaraang Biyernes, Setyembre 2 ay nagkaroon ng pag-uusap sina San Simon Mayor JP Punsalan at kinatawan ng PELCO III dahil sa umano’y reklamo ng kanilang kustomer sa mataas na singil sa kuryente.
Kasabay nito, nanawagan ang mga residente ng North Grove Subdivision na isama ni Senator Raffy Tulfo sa imbestigasyon sa Senado ang biglang pagtaas ng kanilang bills sa kuryente mula sa PELCO III.
Sinikap po ng PUNA na makuha ang panig ng PELCO III, subalit wala po tayong makontak sa kanilang mga empleyado.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
