DPA Ni BERNARD TAGUINOD
BAGO nagkaroon ng pandemya, nangongolekta na ng personal information ang iba’t ibang establisyemento at maging ang government offices sa mga taong pumapasok sa kanilang opisina at tindahan.
Lalong lumala ang pangongolekta noong kasagsagan ng pandemya para daw sa contact tracing sakaling may magkaroon ng kaso ng COVID-19 sa lugar na pinuntahan ng mga tao.
Nananakot ang gobyerno sa mga taong naglalagay ng maling impormasyon tulad ng pangalan, mobile numbers at kung saan nakatira sa tila attendance sheet dahil may katumbas na kaparusahan daw.
Ang karaniwang may hawak sa animo’y attendance sheet ay mga guwardiya lang at hindi natin alam kung regular bang ibinibigay sa kanilang admin office ang nakolektang impormasyon.
Walang malinaw na patakaran na ang nakolektang mga impormasyon ay dapat itago at tiyaking hindi makalabas para maproteksyunan ang kanilang mga customer o kliyente.
Sila lang ang nakakaalam kung papaano dini-disposed o kaya saan inilalagay ang mga nakolektang impormasyon at wala silang pananagutan kung makalabas man ang mga personal information na ito ng mga tao.
Hindi naman siguro lahat ay naging pabaya pero malinaw na malinaw na may mga nagpabaya o kaya may nagbenta sa mga impormasyong ito sa scammers kaya nakatatanggap na tayo ng mga personalized text spam.
Noong hindi pa inoobliga ang mga tao na isulat ang buong impormasyon ng kanyang pagkatao sa attendance sheet ng mga establisyemento, opisina ng gobyerno kasama na ang mga hospital, ay malala na ang text spam.
Marami ang naniniwala na hinuhulaan ng mga scammer ang mga numero ng telepono ng mga pinapadalhan nila ng mensahe para alukin na mangutang sa kanila, magbenta ng kung ano-anong bagay.
Nag-level-up sila matapos lumuwag ang health protocols dahil may pangalan na ang kanilang target na biktimahin. Kilala ka na ng mga scammer na nag-aalok sa iyo ng trabaho na ang sweldo ay mas malaki pa sa sinasahod ng pangulo ng Pilipinas o kaya chief executive ng isang malaking korporasyon.
Maging ang mga nasa likod ng mga online na sugal ay level-up na rin na inuudyukan kang magsugal baka raw ito ang suwerte na hinihintay mo. Akala mo kilala mo sila dahil may pangalan ka na kapag pinapadalhan ka ng text message.
Matagal na itong alam ng mga kinauukulan pero hindi agad kumikilos at saka lang matataranta kapag may kilalang tao sa lipunan na may mataas na puwesto sa gobyerno ang nabiktima na.
Pero kanino natin isisisi ang personalized text spam na ito? Marami ang duda sa mga nakolektang impormasyon ng mga private establishment kasama na ako kaya dapat magkaroon ng panuntunan dito dahil nalalagay na sa panganib ang privacy ng mga tao.
Mahirap sigurong tukuyin kung papaano nakuha ng mga scammer ang mga personal information ng mga tao maliban lamang siguro kung may mahuli ang mga awtoridad at ikanta kung sino ang nagbenta sa kanila sa mga impormasyong hawak nila!
