(NI BERNARD TAGUINOD)
PINALAGAN sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang plano ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tuwing ika-6 na buwan ibibigay ang pensiyon ng mga senior citizen.
Ayon kay Senior Citizen party-list Rep. Milagros Aquino-Magsaysasy, kailangan ng mga senior citizen ang pera para sa kanilang personal na pangangailangan kaya hindi dapat iniipon bago ibigay ng kada ika-6 buwan.
“Malaking tulong po ang buwanang pensiyon na 500 pesos sa ating pinakamahihirap na nakatatanda na walang tinatamasang anumang ayuda mula sa kanilang mga pamilya,” ani Magsaysay.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil sa Memorandum Circular 04-2019 ng DSWD na sa halip na buwanang ibigay ang P500 pensiyon ng mga matatanda ay kada ika-6 na buwan na lang ito ibibigay sa kanila.
Nangangahulugan na P3,000 ang matatanggap ng mga matatanda mula sa P500 na pensyon ng mga ito kada buwan bagay na hindi inayunan ng mambabatas dahil maraming pangangailangan ang mga senior citizens.
“Nakatutulong ito sa mga buwanang pangangailangan sa kalusugan, gaya ng pambili ng mga gamot at pagkain para sa kanilang wastong nutrisyon. Salat man po ang halagang ito, ang buwanang social pension na lamang po ang inaasahan ng milyon-milyon nating naghihirap na senior citizens upang mabuhay ng desente at may dignidad,” ani Magsaysay.
Dahil dito kailangan aniyang iaabot ang buwan-buwan sa mga matatanda ang kanilang pensiyon at huwag itong ipunin ng anim na buwan bago nila ito mapakinabangan.
Tinatayang 3.7 milyon ang senior citizens sa bansa na magiging benepisyaryo sa nasabing programa.
