PEOPLE’S INITIATIVE PARA SA ANTI-POL DYNASTY BILL INILUTANG

INAMIN ni Senador Risa Hontiveros ang posibilidad na isulong ang people’s initiative sa panukalang Anti-Political Dynasty bill kasabay ng pagsasagawa ng mga pagdinig para rito.

Ayon kay Hontiveros, chairperson ng Senate Committee on Electoral Reforms, walang hadlang upang itulak ang people’s initiative habang tinatalakay rin ang panukala sa Senado at Kamara.

Sa public consultation sa mga panukala, iminungkahi ni Atty. JT Leonardo Santos ng School of Law ng Pampanga State University na gamitin ang people’s initiative upang maisabatas ang anti-political dynasty measure kung magiging mahirap itong maaprubahan sa Kongreso, lalo’t maraming mambabatas ang nagmumula rin sa mga political dynasty.

Sa ilalim ng people’s initiative, kinakailangang makakalap ng lagda mula sa hindi bababa sa 12 percent ng kabuuang bilang ng mga rehistradong botante sa buong bansa, at dapat ay may hindi bababa sa 3 percent o sa bawat legislative district.

Kasabay nito, tiniyak ni Hontiveros na sa gitna ng maraming bersyon ng panukala ang lumulutang, ay isusulong nila ang makabuluhang Anti-Political Dynasty Bill na hindi lamang para sa compliance sa probisyon ng Konstitusyon na nagbabawal sa political dynasty, kundi tunay na magpapatibay sa sistemang demokratiko ng bansa.

(DANG SAMSON-GARCIA)

9

Related posts

Leave a Comment