AKSYON NI CASTILLON Ni ATTY. DAVID CASTILLON
AYON sa mga naiulat na balita, ang gobyerno ng Saudi Arabia ay magbabayad ng malaking halaga para sa Overseas Filipino Workers (OFWs) na hindi sinahuran ng kanilang mga employer sa nakalipas na mga taon. Subalit kanino nga ba mapupunta ang pera kapag ito ay naibigay na sa ating gobyerno?
Lingid sa kaalaman ng lahat, ang ibang manggagawa ay maaaring nakapagsampa na ng reklamo laban sa kanilang mga ahensya at sila ay nabayaran na sa pamamagitan ng amicable settlement o award sa natapos na kaso pabor sa kanila. Sa isang banda naman ay maaaring nakapagbayad na rin ang insurance companies sa ating mga ahensya sapagkat sakop ito ng tinatawag na “Money Claims” at ito ay napapaloob din sa “Mandatory OFW Insurance”.
Samakatuwid, kapag natapos ang isang kaso ay hindi na ito maaari pang buksan upang makakuha lamang ng pera mula sa ibabayad ng Saudi Arabia. Mahalagang matutukan ang proseso kung paano ito mabibigay sa mga apektadong manggagawa at kung gaano ito kabilis maipamamahagi. Dapat mabigyan ng pansin na ang pera ay hindi lamang para sa mga manggagawa dahil ang ibang partido kagaya ng recruitment agencies at insurance companies ay tinamaan din ng matinding dagok dahil sa kanila bumagsak ang pasanin sa pagbabayad ng mga sahod na hindi binayaran ng employers.
Sa katagalan ng proseso bago napapayag ang gobyerno ng Saudi Arabia na bayaran ang pagkakaautang ng employers, masasabi natin na ikinamatay na ito ng ibang manggagawa. Mahalagang maipaliwanag sa mga kamag-anak ang kailangang dokumento upang mapatunayan ang kanilang karapatan sa pagkuha ng pera. Karamihan din sa mga apektadong manggagawa ay patuloy pa rin na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Kailangang masiguro na ang lahat ng pera ay maipamimigay ng gobyerno sa lalong mabilis na panahon. Dapat ay mabantayan ito nang husto upang maiwasan ang ano mang uri ng katiwalian kapag ito ay ipinamamahagi na sa mga manggagawa. Dapat ay maisapubliko ang listahan ng mga makatatanggap at bigyan ng pansin ang recruitment agencies na makapagpapatunay na sila ang nagbayad sa sahod ng mga nagreklamong manggagawa.
Sa ilalim ng batas, ang ahensya na kinasuhan at nagbayad sa nagrereklamo ay maaaring makasingil sa insurance company subalit hindi ito nagbabayad nang buo. Tatlong buwan lamang sa kada isang taon na hindi natapos na kontrata ang ibinibigay sa ahensya. Kaya ang totoong nakaranas ng dagok ay walang iba kundi ang recruitment agencies.
Hindi na dapat mabigyan ang mga manggagawa na nakakuha na ng award sa NLRC at meron pa itong kalakip na moral and exemplary damages pati na rin ang halaga ng attorney’s fee. Ang recruitment agencies na tinamaan ng malaking bayarin sa sahod ay dapat mabigyan din ng hustisya dahil sila ang sumalo ng mga problemang naidulot ng salbahing employers.
Isang malaking katanungan din ang dapat sagutin kung ang isang manggagawa ay nakakuha lamang ng parte sa kabuuhan ng kanyang hinihiling sapagkat naisara ang kaso sa pamamagitan ng amicable settlement. Sa aking opinyon, dapat pa rin silang mabigyan ng pera dahil hindi nila lubos na nakuha ang hustisya. Kahit tapos na ang kaso, sana ay hindi sila mapagsarhan ng pinto para makatanggap ng karagdagang pera upang maging tama ang pamamahagi ng benepisyo sa talagang naapektuhan o nabiktima ng mga mapang-abusong employers.
Kung kayo ay may mga katanungan na kailangan ng kasagutang legal, sumulat lamang sa “AKSYON NI CASTILLON” sa email address – castillon.lawoffice@gmail.com
252