“PARA matulungan ang contact-tracing efforts ng ating pamahalaan, mandatory o required na po ang paglalahad ng personal na information pagdating sa ating mga COVID-19 cases,” ito ang inihayag ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID).
Ito ay matapos iatang sa balikat ng Office of Civil Defense ang pangangasiwa sa contact tracing ng mga hinihinalang infected ng coronavirus disease sa gitna ng nararanasang COVID-19 pandemic.
Ayon kay Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, layunin ng paglalahad ng personal na impormasyon ng mga pasyente na mapadali ang contact tracing efforts ng pamahalaan sa mga taong posibleng tinamaan ng COVID-19 matapos italaga ng IATF sa Office of Civil Defense ang trabaho.
Ayon kay Nograles, kinakailangan na makipag-ugnayan ang OCD sa local government units para maging maayos ang contact tracing.
Inatasan din ang OCD na makipag-ugnayan sa Department of Health para sa data sharing agreement alinsunod na rin sa Republic Act No. 10173 o “Data Privacy Act.”
“Ang OCD na po ang mangunguna sa contact-tracing efforts ng pamahalaan at sila ay inaatasang makipag-ugnayan sa DOH para mag-share ng datos alinsunod sa Data Privacy Act,” pahayag pa ni Nograles.
Nauna nang hinimok ng ilang opisyal ng pamahalaan ang mga indibidwal na nagpositibo sa COVID-19 na magboluntaryong isapubliko ang kanilang status upang maalerto ang mga taong nakasalamuha ng mga ito at para mag-ingat na rin upang maiwasan ang pagkalat pa lalo ng COVID-19 sa bansa. JESSE KABEL
