PH sa 1932 L.A. Olympics PINAKA-MAYAMANG ANI NG BANSA HANGGANG…

Ni EDDIE ALINEA

INSPIRADO sa kauna-unahang medalya nito sa Amsterdam noong 1928, dinoble ng Pilipinas ang partisipasyon makaraan ang apat na taon sa Los Angeles Olympics, kung saan nakapag-uwi ang ating mga atleta ng tatlong medalya.

Walong atleta at tatlong ­opisyal ang ipinadala ng bansa sa L.A., mula sa apat na atleta at isang opisyal lang sa Amsterdam. Nanguna sa walong atleta si swimmer Teofilo Yldefonso, bronze medalist sa Amsterdam, kasama sina Simeon Toribio ng athletics, Jose “Cely” Villanueva, John Gray, Jose Padilla Jr. at nakatatandang kapatid nitong si Carlos Padilla ng boksing, at Abdurahman Ali, Jikirum Adjaluddin ng swimming.

Dahil sa suporta ng libo-libong Fil-Ams sa L.A. na araw-araw nanood ng games, inulit ni Yldefonso ang kanyang nakuhang tanso (bronze) sa Amsterdam nang muling pumangatlo sa kanyang paboritong 200 metrong breaststroke.

Pinantayan ito ng high jumper na si Toribio at mandirigmang bantamweight na si Villanueva, para maging pinaka-mayamang medal haul ng bansa sa Olympics sa loob ng 89 na taon.

Sa kasalukuyang XXXII Games sa Tokyo 2020, na isang taong nabalam dahil sa COVID-19 pandemic, mayroon pang isang linggong nalalabi sa Palaro ngunit mayroon na ang Pilipinas na isang ginto kaloob ni weightlifter Hidilyn Diaz, at maaari pang maging dalawa kung mananalo ang boksingera nating si Nesthy Petecio.

Sinusulat ito ay sigurado na sa bronze ang boksingero ring si Eumir Marcial, at gayundin si Carlo Paalam kung mananalo siya sa quarterfinals ngayong araw.

Nakatakda rin lumaban sa final vault ang gymnast na si Carlos Yulo.

Malaki rin ang tsansang manalo ng medalya ang iba pang mga atleta na sina track and field (pole vault) EJ Obiena, at golfers Yuka Saso at Bianca Pagdanganan.

Kaya masasabing nahigitan na ang nakamit ng bansa noong L.A. Games.

Sa tatlong medalyang tanso ng mga atletang Pilipino noong 1932 Olympics, ang kay Toribio ang masasabing pinaka-dramatiko o kapanapanabik. Kung paano niya

ito nakuha ang siyang tatalakayin ng SAKSI NGAYON sa susunod na isyu. Abangan!

130

Related posts

Leave a Comment