PHIL. ARENA HANDA NA SA PAGDAGSA NG UUWING OFWs

NAKALATAG na ang mga kaukulang preparasyon ng Philippine Arena quarantine facilities sa pagdating ng tinatayang 300,000 Overseas Filipino Workers na magbabalik-bansa dulot ng epekto ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa pamunuan ng Philippine Arena, ang kanilang pasilidad ay magpapatuloy sa pagtanggap at pagtulong sa mga uuwing Pilipino sa kanilang We Heal as One Center na matatagpuan sa napakalaking istruktura ng Iglesia ni Cristo (INC) sa Bocaue, Bulacan.

Ayon kay Maligaya Development Corporation Chief Operating Officer Atty. Glicerio “Ka GP” Santos IV, “alam natin na mayroon pa rin tayong libo-libong kababayan na nasa ibang bansa na mapipilitang umuwi dahil sa pandemyang ito.”

“Ito ang dahilan kung bakit kinikilala natin ang pangangailangan para sa isang ligtas na lugar kung saan maaari silang mai-quarantine habang hinihintay ang resulta ng kanilang test––kaya handa pa rin kaming tanggapin ang mga OFW sa ating mga pasilidad,” ayon kay Santos IV.

Ang We Heal As One Center-Philippine Arena ay nakapagpalabas kamakailan ng pinakamalaking batch ng mga taong gumaling sa COVID-19 sa loob lamang ng isang araw, nakapagpauwi sa bahay ng kabuuang 78 indibidwal noong Biyernes matapos silang masuri na negatibo sa naturang sakit.

Ang nasabing grupo ay kinabibilangan ng 76 OFWs at dalawang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG), lahat ay nagpapasalamat sa tulong-medikal at sa mga Philippine Arena personnel na nag-alaga sa kanila habang sila’y naka- quarantine.

Matapos ang dalawang buwan sa quarantine, sinabi ni Joemar Alingsasaguin mula sa Norzagaray, Bulacan na “inaasikaso naman kaming lahat ng mga frontliner. Sobrang saya kasi makakasama ko na pamilya ko.”

Sa kabilang banda, sinabi naman ni PCG officer Mark Madriaga, na babalik siya sa frontline matapos masuri na negatibo sa virus at nagpapasalamat din siya sa INC dahil sa pagpayag na gamitin ng gobyerno ang kanilang pasilidad.

“Maraming salamat po sa Philippine Arena, sa INC––sa pamamahala nila–– dahil pinahiram nila ang ganitong pasilidad,” pahayag ng frontliner.

Sa media briefing na ginanap sa Philippine Arena, tiniyak ni National Action Plan Against COVID-19 Deputy Chief Implementer Vince Dizon sa publiko na magsusulong ang gobyerno ng mga hakbang para mapabilis ang testing upang malaman agad ng mga OFW ang resulta sa loob ng isang linggo o mas maaga pa.

“Kailangan mapaiksi pa natin yan. Five days maximum ang target natin. Talagang magtatrabaho tayo nang maigi, lalo na para sa parating na OFWs, in the next few days and weeks ay hanggang five days ay makakauwi sila,” mariing pahayag ni Dizon, na nagsisilbi rin bilang President at Chief Executive Officer ng Bases Conversion and Development Authority.

Sa parehong briefing, inihayag ni Santos IV ang mga ginagawang pag-iingat sa kaligtasan sa lugar, sa pasilidad ng We Heal As One Center-Philippine Arena.

“Habang nag-aantay tayo ng test, kung negative o positive sila, derecho sila sa individual housing namin. Walang risk of infection o contamination sa iba hanggang walang test results. Pag positive, saka namin sila ipapasok dun sa quarantine tent,” paliwanag ni Santos.

Ang We Heal As One Center-Philippine Arena ay isang quarantine facility na kayang mag-accommodate ng 300 katao.

Pinahintulutan ng pamunuan ng Philippine Arena ang pamahalaan na gamitin ang naturang pasilidad upang matulungan ito sa estratehiya nitong Test, Trace, Treat strategy para sugpuin ang COVID-19. SAKSI NEWS TEAM

146

Related posts

Leave a Comment