MATAPOS magisa sa nakalipas na pagdinig ng Senate Committee of the Whole, mistulang umiiwas naman sa panibagong pagtatanong ng mga senador si PhilHealth President at Chief Executive
Officer Ricardo Morales at ang iba pang opisyal ng ahensya.
Ito ay makaraang magpadala ng medical certificate sa Senado ang staff ni Morales sa pamamagitan ng Viber ng Komite.
Itinakda ng Senate Committee of the Whole ang ikalawang pagdinig sa mga sinasabing iregularidad sa PhilHealth sa August 11, Martes kung saan ipinatawag din sina Department of Information and
Communications Technology (DICT) Secretary Gringo Honasan at Presidential Anti-Crime and Corruption chairperson Grego Belgica.
Sa medical certificate mula sa Cardinal Santos Medical Center, nakasaad na na-diagnose si Morales na may lymphoma at nangangailangang sumaialim sa anim na cycle ng chemotherapy.
“He (Morales) is advised to complete 6 cycles of treatment during which he will be immunocompromised and vulnerable to opportunistic infections. It is therefore in his best interest
that I have advised him to take a leave of absence,” saad sa medical certificate na ipinadala sa Senado.
Bukod kay Morales, nagpadala na rin ng medical certificate sa Senado ang kampo ni Executive Vice President at Chief Operating Officer Arnel de Jesus na nagsasaad na naka-confine ito sa Asian
Hospital and Medical Center.
Sa medical certificate, na-admit sa pagamutan si De Jesus noong August 5 at nakatakda siyang sumailalim sa coronary angiogram, angioplasty at pulse generator replacement.
Sa hiwalay na sulat na pirmado ni De Jesus, sinabi nito kay Senate President Vicente Sotto na hindi siya makadadalo sa pagdinig subalit nangakong makikipagtulungan sa sandaling bumuti na ang
kanyang kalagayan. (DANG SAMSON-GARCIA)
